Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Health at Department of Science and Technology na magtatag ng bagong task force na nakatuon lamang sa bagong coronavirus disease 2019 (COVID-19) variant na natagpuan sa United Kingdom.
“Medical, ideally, it should be medical persons na nakatutok lang talaga diyan sa bagong strain, whether or not it is here or not and whether or not it is as virulent… sabi naman ni doktora hindi masyado,” pahayag ni Duterte sa live briefing, nitong Sabado ng gabi.
Ang bagong strain ng COVID-19 ay napag-alamang kumakalat ngayon sa United Kingdom.
Dahil dito, ang Pilipinas at ang mahigit na 40 bansa ay nagpalabas ng travel ban laban sa United Kingdom.
Ang suspensyon ng biyahe mula UK ay ipinatupad noong Disyembre 24, 2020 ng madaling-araw.
Inihayag naman ni Health Secretary Francisco Duque III na ang panibagong ebidensiya ay nagsasabing ang bagong COVID-19 strain ay mayroong “70 percent higher transmissibility.”
Gayunman, wala namang indikasyon na ang bagong strain ay mas malala o mapanganib.
Kaugnay nito, tiniyak ng punong ehekutibo na hindi magiging kampante ang pamahalaan at marapat lamang na ituring ang virus bilang nakamamatay na sakit na maaaring pumasok sa bansa.
“Mahirap kasi kung mag-ano tayo, whether or nor itong ano na ito is as virulent or as toxic as COVID… para sa akin pareho. The contact is there, the possibility of contact is there because you have to talk to people and in the transit, a lot of locals are there working,” sabi pa ni Duterte.
-Beth Camia