MULING isinusulong ang pagbabalik ng parusang kamatayan (death penalty) sa Pilipinas bunsod ng brutal at harapang pagbaril ng isang pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong nakaraang linggo.
Ang pulis ay si Police Master Sergeant Jonel Nueca. Ang kanyang binaril ay mag-inang Sonya Gregorio, 52, at anak na si Frank Anthony, 25.
Nangunguna si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs, sa mga proponent upang muling ibalik ang death penalty para makatulong sa pagsugpo sa mga heinous crime o kahindik-hindik na krimen.
Iba naman ang paniniwala at pananaw ni Albay Rep. Edcel Lagman at ng mga kasapi ng Makabayan bloc hinggil sa restorasyon ng parusang kamatayan. Ayon sa Albay solon, ang capital punishment ay “brutal violation of the right to life, a serious transgression of human rights and patent abandonment of our international commitments against imposing capital punishment.”
Iginiit ni Lagman na hindi solusyon sa laganap at walang habas na pagpatay ang reimposition ng death penalty, kundi ang pagbuwag sa culture of violence na ini-encourage ng Duterte administration, kinukunsinti at pinababayaan. Itinatanggi ito ng Malacañang.
Umaasa si Barbers na ang death penalty na napagtibay na noong 17th Congress ay mapagtitibay at magiging ganap na batas ngayong 18th Congress. Aniya, nagsasagawa na ng mga pagdinig ang House committee on justice.
Mismong si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang nagsusulong sa restorasyon ng capital punishment hindi lang para sa drug traffickers kundi maging sa mga heinous criminal. Malaki ang tsansa na umusad ang death penalty bill sa 2021 sapagkat nagpamalas ng suporta sina Speaker Lord Allan Velasco at mga Senador sa panukala.
Para kay Velasco, dapat isama sa heinous crimes ang rape bukod sa drug trafficking na ang parusa ay kamatayan. “These are unacceptable offenses that should be penalized to the extreme. I will push death penalty for those two crimes”.
Sa Facebook kamakailan, nakita ng ex-GF ko ang kanyang pamangkin na isang health worker/frontliner na binabakunahan na. Nag-post siya ng ganito: “Buti pa kayo diyan sa California, may bakuna na. Dito sa Pilipinas, nakikipag-negotiate pa lang sa mga COVID-19 vaccine manufacturer.”
Naalala ko tuloy ang mabagsik na komento ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na dahil “somebody dropped the ball”, naantala ang sana’y pagdating ng 10 milyong doses ng bakuna sa COVID-19 sa Enero 2021. Darating na lang daw ito sa unang quarter ng taon. Aba, baka marami nang Pinoy ang patay na noon!
-Bert de Guzman