PAMASKONG balita ito para sa mga mamamayan sa magkaratig na bayan ng Novaliches at Valenzuela City, na palaging problemado sa paghihintay ng mga pampublikong masasakyan upang makabiyahe sa mga lugar na ito patungo sa kani-kanilang pinapasukan na trabaho.
Nagdagdag pa ang Novaliches-Malinta Jeepney Transport Service Cooperative (NMJTSC) ng 29 na makabago at fully air-conditioned na mga E-jeepney -- sa mga nauna nang pumapasada rito -- na magpapagaang sa problema sa kakulangan ng pampublikong sasakyan sa lugar, lalo na ngayong Kapaskuhan sa gitna pa man din ng pandemya.
Kaya sa ngayon ay may kabuuang bilang na 52 ang mga modernong pampasaherong sasakyan na namamasada araw-araw sa ruta ng Novaliches at Valenzuela City, at malaking tulong ito para sa amin – taga-Barangay Bagbag, Novaliches po kasi ako -- na madalas bumiyahe patungong Valenzuela City (vice versa).
Dati-rati kasi sakit ng ulo at buong katawan ang paghihintay ng masasakyan para sa mga katulad ko na taga-Novaliches na gustong bumiyahe patungong Valenzuela City. Pero simula nang maumpisahan ang proyektong ito, laking ginhawa ang ibinigay nito sa publiko. Lalo na siyempre sa mga manggagawa – ng mga malalaking factory sa Valenzuela at Novaliches -- na sumasakay sa mga pampublikong sasakyan na ito. ‘Di na sila kinakailangang gumising nang napakaaga at makipagpatintero sa pag-aabang ng sasakyan, para lamang masiguradong ‘di sila male-late sa trabaho.
Nagsimula ang pamamasada sa naturang lugar ng mga bagong E-jeepney nito lamang Disyembre 10, matapos na makuha ng NMJTSC ang alokasyon nito sa ilalim ng pambansang proyekto na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Ang unang 23 units ng mga makabagong sasakyang ay nagsimulang pumasada sa rutang Novaliches – Malinta noong November 2019 na may distansiyang siyam na kilometro mula sa Novaliches bayan hanggang sa MacArthur Highway sa Barangay Malinta.
Maginhawa na ito ng kaunti pero talagang kulang pa para sa mga nagyayao’t parito na mga mamamayan. Kaya’t ang naging karagdagang 29 na mga E-jeepney nitong lamang nakaraang linggo ay siguradong magdudulot ng malaking kaginhawaan para sa aming mga taga-Novaliches at Valenzuela City.
Pero siyempre, dahil pandemya pa, kailangan pa rin na sumunod sa protocol – physical distancing, pagsusuot ng facemask at face shield sa loob ng sasakyan -- na itinakda ng pamahalaan upang maibsan ang pagkalat ng deadly COVID-19 sa mga pasahero. Kaya maluwag sa loob ng E-jeepney dahil ang dating 26 na seating capacity ay ginawang 16 na lamang, bilang pagsunod sa protocol laban sa pagkalat ng COVID-19.
At dahil nga moderno ang mga E-jeepney, ‘di pwedeng mawala ang mga makabagong gadget na ikalilibang at ikagiginhawa ng mga pasahero habang bumibiyahe – gaya ng digital TV, closed-circuit television (CCTV) camera, Global Positioning System (GPS), at libreng WiFi.
Ang proyektong PUVMP ay bunga ng pagtutulungan ng Office of the President-Cooperatives Development Authority (OP-CDA), Development Bank of the Philippines (DBP), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Transportation (DOTr), at Office of Transport Cooperatives (OTC).
Ayon kay Ruel S. Campus, assistant head of the Information Technology (IT) section of the NMJTSC, madaragdagan pa ang mga makabagong sasakyang ito hanggang sa makumpleto ang alokasyon ng grupo na 124 units. Ang mga E-jeepney ay pawang “Hino Euro 4-compliant vehicles” na siyang requirement sa ilalim ng proyektong PUVMP ng kasalukuyang adminstrasyon. Medyo nagkaroon lamang ng delay ang pagpapatupad nito dahil na rin sa pananalasa ng pandemiyang COVID-19 sa bansa.
Sana naman ay manatiling para sa kapakanan ng mga mamamayan ang proyektong ito – at hindi mapunta lamang sa kapritso at bulsa ng iilan na mga lingkod ng bayan!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.