NAGPALABAS na kahapon ng kani-kanilang holiday schedules ang tatlong railway lines sa Metro Manila, kabilang ang Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2), gayundin ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), at nagpaabiso hinggil sa pagpapaikli ng kanilang operating hours sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon.

Batay sa paabiso ng LRT-1, na pinangangasiwaan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), nabatid na magpapatupad sila ng mas maigsing operating hours sa Disyembre 24 at Disyembre 31 na parehong idineklarang special non-working holiday sa bansa.

Sa anunsiyo ng LRT-1, magsisimula ng 4:30 ng madaling araw ang kanilang biyahe at magtatapos ito ng 8:00 ng gabi sa Disyembre 24, bisperas ng Pasko habang sa Disyembre 31, o Bisperas ng Bagong Taon naman, bibiyahe ang mga tren ng LRT-1 mula 4:30 ng madaling araw hanggang 7:00 ng gabi lamang.

Regular naman ang biyahe ng LRT-1 sa araw ng Pasko o sa Disyembre 25, sa Rizal Day sa Disyembre 30, at sa Enero 1, Bagong Taon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mananatili pa rin namang sarado ang Roosevelt Station sa Quezon City dahil sa konstruksyon ng common stations doon.

Sa inilabas namang advisory ng LRT-2, na pinamamahalaan ng Light Rail Transit Authority (LRTA), inianunsiyo nito na bilang pagdiriwang sa Holiday Season, paiigsiin rin nila ang kanilang mga biyahe sa Disyembre 24 at 31.

Nabatid na ang huling biyahe ng LRT-2 mula sa Cubao (westbound) at Recto (Eastbound) ay ganap na 8:00 ng gabi lamang habang 7:30 ng gabi naman sa Disyembre 31.

Samantala, magkakaroon din naman ng regular na train service operation sa Disyembre 25 at 30.

“TAKE NOTE: On Dec. 24 & 31, 2020, we will shorten our operating hours in anticipation of a decline in ridership and to allow our station personnel to celebrate this season with their families. Regular train service operations will be observed on Dec. 25 & 30. Happy holidays!” paabiso pa ng LRTA.

Sa panig naman ng MRT-3, na pinamamahalaan mismo ng Department of Transportation (DOTr), nabatid na sa Disyembre 19 hanggang 30, ang unang biyahe mula North Avenue, ay aalis ng 4:37 ng madaling araw habang 9:30 naman ng gabi ang huling biyahe, samantalang 5:17 ng madaling araw naman ang first trip mula sa Taft Avenue at 10:10 ng gabi ang last trip.

Sa Disyembre 24 at 31 naman, mas maigsi ang operating hours ng mga tren ng MRT-3, kung saan ang first trip mula sa North Avenue ay aalis ng 4:37 ng madaling araw habang 7:45 ng gabi naman ang last trip at 5:17 ang unang biyahe mula sa Taft Avenue at 8:25 naman ng gabi ang huling biyahe.

Sa Disyembre 25 at Enero 1 naman, aalis ang first trip mula North Avenue ng 6:30 ng umaga habang ang last trip ay bibiyahe naman ng 9:30 ng gabi, habang ang unang biyahe naman mula sa Taft Avenue ay aalis ng 6:30 ng umaga at ang last trip ay bibiyahe ng 10:10 ng gabi.

Sa kabilang dako, nagbigay naman ng mensahe para sa publiko si MRT-3 Director for Operations Michael Capati at sinabing sa kabila ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay umaasa silang mananatiling buhay at matingkad para sa lahat ang diwa ng Kapaskuhan.

Tiniyak din niyang higit pang paghuhusayan ng MRT-3 ang pagseserbisyo upang makapaghatid ng ligtas at maaasahang transportasyon sa mga mamamayan.

“Sa kabila ng pandemya, sana’y manatiling buhay at matingkad sa ating lahat ang diwa ng Kapaskuhan. Ang pagbibigay at pagmamahal sa kapwa ang magbida sa pagdiriwang na ito. Asahan po ninyong paghuhusayan pa ng pamunuan ng MRT-3 upang makapagbigay ng ligtas at maaasahang transportasyong kinakailangan ng ating mga kababayan. Sa Paskong darating at sa araw-araw, ang aming prayoridad, buhay muna, bago ang lahat. Maligayang Pasko po sa inyo! Isang ligtas at mapagpalang pagdiriwang sa ating lahat!” mensahe pa ni Capati.

Ang LRT-1 ang nag-uugnay sa Roosevelt, Quezon City at Baclaran, Parañaque City; habang ang LRT-2 naman ay bumibiyahe mula sa Claro M. Recto Avenue sa Maynila at Santolan sa Marikina City, samantalang ang MRT-3, na bumabaybay sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nagdudugtong sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.

-Mary Ann Santiago