Ni Edwin Rollon
TUNAY na pagdating sa musika, masasabing talentado ang Pinoy. At hindi matatawaran ang galing at husay ng ating mga kababayan na itinuturing ‘Bagong Bayani’ – ang mga Overseas Filipino Contract Workers.
Sa mundo ng modernong panahon na resulta ng internet, nagkasama-sama ang ating mga kababayan, sa pangunguna ng Filipino community sa Tokyo, Japan, sa pamumuno nina Madam Myles Briones at Sir Arnel Punzalan, para hanapin ang pinakamahuhusay na OFW singer sa isinagawang ‘Birit Challenge ni Kiday’ sa gitna nang lockdown dulot ng pandemya na nagpahirap sa buong mundo.
Mula HongKong hanggang Saudi Arabia, nakilahok ang ating mga kababayan sa Karaoke Challenge na mapapanood sa YouTube. Sa huli, tatlo ang napiling finalists – Ruby Bofill Rubrik Nedobstaz, isang registered nurse sa HongKong, Patricia Daiz Garcia mula sa Saudi Arabia at Jeneth Orpesa, na nagtatrabaho rin sa HK.
Walang tulak-kabigin sa husay at pino ng mga boses ang tatlo. Mahihiya ang mga professional Diva sa mga local network sa Pinas. At maging ang Finals judge na si world-renowned singer/artist Chiqui Pineda-Azimi ay talagang nahirapan para mapili ang Grand Champion.
“Actually, talagang na-excite ang ating mga contestants/finalists nang malaman nilang si Ms. Chiqui Pineda ang judge sa finals. Alam nilang dekalidad ang judge, kaya talagang level up ang performance nila,” pahayag ni Myles Briones Beltran.
Sino nga ba ang hindi ma-star struck kay Chiqui Pineda kahit sa TV monitor lang siya nakita.
Lumaki at nag-aral sa Stella Maris Academy sa Davao City bago tinapos ang Economic degree sa University of the Philippines , kilala si Ms. Pineda bilang multi-skilled artist.
Pinasikat niya ang awiting ‘How Did You Know’ bilang Viva Record artist mula 1994 hanggang 1998. Tumanggap ng Gold Record Award noong 1994 ang “How Did You Know” (composed ni Cecile Azarcon) na singles sa debut album niya. Inawit din niya ang “Tanging Ikaw” (composed ni Vehnee Saturno).
Naging TV personality din siya at host sa ilang programa.
“Taos-puso ang pasasalamat namin kay Ms. Pineda. Talagang pagdating sa kapwa Pinoy, ready siyang tumulong at makiisa. Sa nangyaring pandemic, itong Birit Challenge ang nakita naming paraan para malaman natin ang kalagayan ng ating mga kapwa OFW sa buong panig ng mundo,” sambit ni Briones Beltran.
Dinumog ng ating mga kababayan sa Tokyo ang livestreaming ng Finals biritan at sa pagtatapos ng programa, napili ni Ms. Pineda si Ruby Bofill bilang Grand Champion. Tinanggap ni Ruby ang premyong 30,000 Japanese Yen kaloob ng sponsor na si Nanette Fuentes Miwa mula sa Fukushima.
First runner-up si Patricia at ang premyo niya ay kaloob ng Japan-based Pinay model na si Sheryl Yusa Alcantara, habang second runner-up si Jeneth na pinasaya ng todo ng kanyang sponsor na si Gemma Thomas Hidaka.
“First of all, thank you Lord for guiding me through success to our event the OFW Birit Challenge Ni Kiday. I would like to congratulate all the winners for a job well done. You all deserved to be called a WINNER mga anak. You made us proud!” pahayag ni Arnel Punzalan.
Kabilang din sa mga sponsors sina Luz Yap Yamazaki, Maria Chona Yayama, Jan Michael Acaylar, Cindy Bautista Vibar-Sotooka, Vanessa Loyola Quintia, Kosaka Mary, Jennaly Ogania Austriaco, Gemma Abejero Tanno, Analyn Cortel, Pauleen Joy, Rosalie Yamagishi Ma. Genie Kobayashi, Ivy Fujisawa, Hope Musico, Mel Manguba, Bienne Nefulda, Precy Calpito, Sir Dammi (Diplomat of Saudi Arabia), Alex Vergano, Beth Tuazon Gutierrez, Maribel Beltran Esperanza, Rheine Buenafe, Tiffany Alcantara, at BEST Team manager Joan Cacho-Mojdeh.