HABANG pinanonood ko ang nag-viral na video sa social media ng walang awang pagpatay sa mag-ina na nakaalitan nang kapitbahay nilang pulis sa lalawigan ng Tarlac, ay nanginig ang aking kalamnan at sa wari ko pa nga, nag-ingitan ang aking mga buto, sa naramdamang galit.
Parang unti-unting nagdidilim ang aking paningin sa pagkakatutok sa video at ang tingin ko sa namaril na si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, 46, ay may mahabang sungay, maitim na pakpak at nanlilisik na mga mata ito – animo isang demonyo!
Patay agad ang nakatalo nitong mag-inang sina Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25, taga-Purok 2, Barangay Cabayaoasan sa bayan ng Paniqui, na may tig-dalawang tama ng bala sa ulo.
May mga nagkomentong netizen na ang namaril na si M/Sgt. Nuezca, nakatalaga sa Parañaque City Police - Crime Laboratory, ay katulad ng isang matadero na walang pagkurap ang mga mata nang “katayin” nito ang mag-ina. Parang normal lang sa kanya ang ginawang pagbaril at pagpatay – ni ‘di man lang kumurap!
‘Di ako sang-ayon sa tinuran nilang ito – unfair para sa mga matadero -- dahil alam kong mas may puso ang mga ito. Sila kasi ay taimtim munang nagdarasal at iniaalay ang kakatayin nilang mga hayup sa Poong Maykapal, upang maging laman ng masaganang hapag kainan ng kanilang mga kababayan.
Lalong sumubo ang galit ko sa lintik na si M/Sgt Nuezca nang malaman kong sangkaterba pala ang mga naging kaso nito pero karamihan ay nalusutan – dahil kulang sa ebidensiya at nag-urungan ang mga complainant – maliban sa pinakabago na nasuspinde siya ng isang buwan. Katatapos lang ng kanyang “bakasyon” este suspension pala, at heto nagwala na namang muli. Sobrang lakas ng loob sa paggawa ng katarantaduhan dahil alam niyang madali lamang itong lusutan.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Debold Sinas ay nasampahan si M/Sgt. Nuezca ng dalawang kasong homicide noong nakaraang taon: “All of them were dismissed except for a case in 2016 for a less grave offense when he was suspended for 31 days.”
Hindi ako mamamali sa aking palagay na sa bilis nang pagbunot ni Nuezca ng kanyang Beretta 9mm pistol at pagbaril sa ulo ng nakatalikod na si Sonya at sa anak nitong Frank Anthony -- kahit nakahandusay na’y muli pang nitong binaril ang mag-ina -- ay sanay ito sa walang pakundangan na pagpatay.
Baka akala kasi ni Nuezca ay mga “suspected” pusher at user ang kanyang kaharap kaya walang kaba na pinutukan agad ang mga ito! Marahil ay naglalaro palagi sa kanyang isipan ang mga bilin ng ilang nakatataas tuwing nakasalang sila sa “Tokhang operation” na: “Huwag magpapa-una sa kalaban, kaya ‘pag nakaramdam ng panganib ay unahan na lang at pagpapatayin ang mga ito.”
Pero nang mahimasmasan ay saka lang siguro naisip ni Nuezca na “off duty” nga pala siya at nagbabakasyon lang sa kanilang bahay sa probinsiya – wala nga pala siya sa isang “Tokhang operation”!
Kaagad tumakas si Nuezca at makaraan ang halos mahigit isang oras ay sumuko siya sa Rosales Police Station sa Pangasinan, at isinuko rin nito ang baril na ginamit sa pagpatay.
Ang puno’t dulo nito ay ang paninita at pagbabawal ni Nuezca kay Frank Anthony na huwag mag-ingay gamit ang boga – homemade na kanyon na gawa sa kawayan – at may kabuntot na bantang aarestuhin ito, kapag ‘di tumigil sa pagpapaputok.
Gumitna sa dalawa ang nanay na si Sonya, nakisabat sa pagtatalo ang anak ng pulis, at dito na tuluyang nagalit si Nuezca…Apat na magkakasunod na putok ng baril ang biglang umalingawngaw sa buong paligid ganap na 5:11 ng hapon.
Nasa kustodiya na ng Tarlac Provincial Police si Nuezca at nahaharap sa kasong double murder.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.