SA susunod na taon, umaasa tayong makita ang malaking pagsisikap ng pamahalaan upang mapataas ang produksyon ng bigas sa bansa.
Nagkakaroon na ng “short-term improvements in palay production,” ayon sa policy advocacy group na Action for Economic Reforms (AER), ngunit malayo pa tayo bago maabot ang “domestic rice sector competitiveness.”
Tatlong taon na ang nakalilipas nang pagtibayin ang Rice Tariffication Law para sa kapakanan ng mga konsumer matapos pumalo ng 6.7 porsiyento ang inflation sa bansa noong Setyembre 2017. Winakasan ng batas ang restriksyon sa dami ng maaaring angkating bigas, na nagpahintulot ng walang humpay na importasyon hangga’t nagbabayad ang mga ito ng 30 porsiyentong taripa.
Mabuti ito para sa mga mamimili sa bansa ngayong malalaking bulto na ng bigas ang inaangkat mula sa Vietnam at Thailand, na nagpapababa sa presyo sa merkado. Ngunit parusa naman ito para sa mga magsasaka sa bansa, dahil ang kanilang malaking gastos sa produksyon ay hindi kakayaning makipagkumpetensiya sa murang angkat na bigas.
Nitong isang araw, muling inihayag ng AER ang pangangailangan na mapataas ang produksyon ng bigas sa Pilipinas. Ngunit batid din naman nito ang katotohanan na malaki ang ginagastos sa pagtatanim ng mga magsasaka sa bansa kaya’t hindi nito kinakayang makipagsabayan sa murang angkat na bigas.
Binanggit ng AER ang pamilyar na datos—may kakayahan ang mga magsasaka sa Vietnam na makapag-produce ng limang tonelada ng bigas kada ektarya, habang ang mga Pilipinong magsasaka ay kaya lamang makaani ng 4.07 tonelada. Kayang makapag-produce ng mga Vietnamese farmers ng bigas sa halagang P6.22 kada kilo, habang ang ating mga magsasaka ay nakapag-aani ng bigas sa halagang P12.41 kada kilo. Sa malaking agwat sa presyo, natural na ang ating sariling mga konsumer ay bibili ng angkat na bigas mula Vietnam at Thailand sa halip na bigas na ani ng ating sariling mga magsasaka.
May mga plano ang Pilipnas para sa industriya ng bigas sa Pilipinas—ang
Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). Sa pagsisimula ng taong ito noong Enero, sinabi ni Secretary of Agriculture William Dar na, “We aim that in the next six years as a result of RCEF, we will effectively reduce the average production costs of palay by P4/kg, from the current P12/kg, increase the average yield by at least two tons per hectare from the current four metric tons per hectare, and double the income of rice farmers.”
Makakamit ito sa pamamagitan ng apat na programa ng RCEF, ang (1) paggamit ng mas maraming rice farm machinery at equipment, (2) pag-develop at pagpaparami ng high-yielding rice seeds, (3) pagpapalawak ng credit assistance sa mga magsasaka, at (4) pinalawak na rice extension services.
Sa kasamaang-palad, nagdusa ang anim na taong programang ito—tulad ng lahat ng iba pang programa ng pamahalaan—dahil sa COVID-19 pandemic. Magtatapos na ang taon; isang linggo na lamang at magsisimula naman ang panibagong taon. Dito nananatili ang malaking kawalang-katiyakan sa darating na taon dahil sa nagpapatuloy na pandemya, ngunit umaasa tayo sa mass vaccination na inaasahang makapagsisimula sa Mayo.
Sa panahong iyon, dapat na masimulan ng pamahalaan ang muling pagbabalik ng normal na operasyon, at umaasa tayo sa Department of Agriculture na maglalaan ito ng panahon, atensiyon at suporta sa RCEF program. Isa itong mahabang anim na taong programa ngunit tinatanaw natin ito, lalo’t ang tagumpay nito ay isang malaking pag-angat para sa pamahalaan at sa mga tao