PORMAL nang pinasinayaan ng local na pamahalaan ng Maynila ang pagbubukas ng kauna-unahang super health center na matagal nang planong ipatayo nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Laguna sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Pinangunahan mismo nina Moreno at Lacuna, kasama si Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan ang pagpapasinaya sa Tondo Foreshore Super Health Center & Lying-In Clinic sa Tondo.

Nabatid na ang naturang super health center, na ideya ni Pangan, ay magkakaloob sa mga residente ng iba’t ibang libreng healthcare services.

Sa kanyang talumpati sa naturang inagurasyon, pinasalamatan naman ng alkalde ang SM Foundation, na siyang nag-sponsor upang maipatayo ang naturang super health center.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon sa alkalde, ang naturang Tondo super health center ay hindi lamang malaki, kundi kapaki-pakinabang at mayroong sapat na mga kagamitan upang makapagbigay ng serbisyong medikal na kakailanganin ng mga mamamayan, gaya ng mga buntis.

Sinabi naman ni Lacuna na ang naturang center ay mayroon ding specialty clinics para sa family planning, women’s wellness, adolescent counseling, animal bite at laboratoryo, gayundin ng play area at maging ng botika.

Aniya, lahat ng serbisyong ipinagkakaloob sa naturang klinika ay ipagkakaloob sa mga residente ng libre.

“This center will be handling minimal cases or medical needs wherein the patients will be experiencing the kind of services similar to those being offered in private health clinics or hospitals,” anang alkalde.

Sinabi ni Moreno na maging siya man ay nakinabang sa mga health centers noong panahon ng kanyang kabataan, kaya’t batid niya ang kahalagahan ng mga ganitong establisimyento para sa mga mamamayan, lalo na sa mahihirap, na walang kakayahang makabili ng kanilang pangangailangang medikal o kumuha ng pangunahing serbisyong medikal.

“Ibalik natin ang dignidad sa health centers… dapat sa health center pa lang ‘solved’ ka na, ‘ýung basic needs mo kaya nang tugunan bago ka dalhin sa ospital kung kailangan,” ayon pa sa alkalde.

-Mary Ann Santiago