SA nalalabing mga araw ng taon, mahigpit na tututukan ng ating mga opisyal ang tala ng COVID-19 infections at ang bilang ng pagkamatay sa bansa, upang makita ang epekto ng malawakang pagpapaluwag ng restriksyon para sa holiday season, particular sa pagtitipon ng mga tao para sa Simbang Gabi.
Batid ng mga opisyal na tataas ang kaso, ngunit umaasa silang hindi ito lolobo na kakailanganin ang muling pagpapatupad ng matinding restiksyon. Nakadepende na ito ngayon sa mga tao mismo, kung susunod ba sila sa pangunahing panuntunan ng pagsusuot ng face masks at face shields, tamang distansiya, at palaging paghuhugas ng kamay.
Nananatili pa rin sa atin ang COVID-19 virus. Ilang mga bansa na tulad ng United States at United Kingdom ang nagsimula nang magbigay ng bakuna, na kalaunan, ay inaasahang lilikha ng “herd immunity” na magpapahinto sa higit pang pagkalat ng virus. Ngunit mangangailangan pa ito ng sapat na panahon, ilang buwan pa, lalo’t nasa daang milyong tao ang kinakailangang mabakunahan.
Mayo ng susunod na taon ang pinakamaagang petsa na makatatanggap tayo ng bahagi ng bakuna. Limang buwan pa ito mula ngayon at sa kabila nito, ang bakunang inaasahang darating ay sasapat lamang sa 30 milyong tao—mula sa kabuuang 110 milyong populasyon ng bansa.
Kailangan lamang nating umasa sa mayroon tayo ngayon. Kailangang maunawaan ng ating mga kababayan na ang kanilang kaligtasan ay nakasalalay sa kanilang sarili. Ang tanging pagtitipon na pinahihintulutan ngayon ay ang Simbang Gabi at ginagawa ng mga opisyal ng simbahan ang kanilang makakaya upang mapanatili ang tamang distansiya—isang metro—sa mga harapan ng simbahan.
Ngunit, tulad ng sinabi ni Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, matapos ang unang misa sa madaling-araw nitong Miyerkules, “we can control the people in the church premises, but we do not have the authority to control people in the streets.”
May tatlong misa ang siyam na araw ng Simbang Gabi bago ang bisperas ng Pasko. Nagpaalala na ang pamahalaan laban sa mga pagtitipon ngayong holiday, tulad ng mga family reunions, maliit na parties, pamimili ng mga tao sa malls at supermarkets.
Mahigpit na tututukan ng ating mga opisyal ang tala ng COVID-19 infections at pagkamatay sa mga susunod na araw, at sa nalalabi ng taon. Kung magsimulang lumobo ang datos, kailangang umaksiyon ng mga opisyal at muling magpatupad ng restriksyon.
Umaasa tayong hindi ito aabot sa ganoong sitwasyon. Malayo na ang narating natin mula noong Marso nang isailalim ang Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon sa Enhanced Community Quarantine. Mas maayos nating nahaharap ang pandemya kumpara sa ibang mga bansa tulad ng US, India, Brazil, Russia, at France, ang mga bansa na may pinakamalaking kaso ng COVID-19 infections kada araw.
Nagpatupad na ang ating pamahalaan ng restriksyon, ngunit sa huli, nasa pagsunod pa rin ng mga tao sa restriksyon na magpapanatili ng mababang kaso ng impeksyon. Kaya naman nakikiisa tayo sa apela sa bawat isa na sumunod sa panuntunan na magpapanatili sa kanilang kaligtasan at pipigil sa muling pagtaas ng impeksyon sa bansa sa kritikal na huling mga araw ng taon.