KASASABI pa lang ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay na nalalapit na nilang malipol ang mga rebeldeng komunista nang maganap ang pagpatay kina Dr. Mary Rose Sancelan at ang kanyang asawang si Edwin. Pauwi na silang magasawa sa Carmeville Subdivision sa Barangay Poblacion, Guihulngan City, Negros Oriental nang pagbabarilin sila ng dalawang lalaki sakay ng motorsiklo. Ang doktora ay health officer ng siyudad at front-liner nito sa paglaban sa COVID-19 pandemic. Siya ang namumuno ng Guihulngan City Inter-Agency Task Force against Emerging Infectious Diseases.
Sa kanyang naka-videong pahayag na ipinadala sa peace forum sa Maynila noong Setyembre 2019, nabahala siya para sa kanyang kaligtasan pagkatapos na siya ay ma-red-tag ng vigilante group “Kagubak” o Kawsa Guihulunganon Batok Komunista o Guihulunganons Against the Communists. Inakusahan siyang supporter ng CPP-NPA at sa listahang inilabas nito noong 2018, kinilala siyang si “Ka JB Regalado” na spokesperson ng Apolinario Gatmaitan Command ng NPA. “Ako ay natatakot lumabas upang magtrabaho. Natatakot akong mamatay. Hindi na ako gaanong malaya upang tumungo sa kanayunan at gampanan ang batayang serbisyo tulad ng pagbabakuna sa mga paaralan. Ang aking gawain bilang nagiisang manggagamot sa opisina ay consultation at administrative,” wika niya sa kanyang naka-videong pahayag.
Sa nakasulat na pahayag ng Council for Health Development, sinabi nito na: “Kahit natatakot siya para sa kanyang kaligtasan, nanatili siya sa kanyang mahal na bayan at patuloy na gumaganap ng serbisyo publiko kahit tapos na ang kanyang trabaho sa opisina. Kami ay napopoot na ang karumaldumal na gawaing ito ay walang kinikilalang oras kahit ang buong bansa ay nababalot ng takot sanhi ng pandemya. Ipinagkait ng mga pumatay sa kanya ang mga kailangang-kailangang serbisyong pangkalusugan ng mamamayan ng Guihulungan lalo na sa panahong ito na napakahirap at mapanganib.” Ayon naman sa Negros Oriental Medical Society, sa pahayag na inisyu ng pangulo nito na si Dr. Joven Occena: “Sa dekadang ito, marami nang mga doktor ang nasawi. Kami ay higit na nagdadalamahti at masyadong nasaktan - lumalaban kami hindi lang sa hindi nakikita at nakakamatay na virus kundi maging sa buhay na kaaway.”
Umaasa kaya si Gen. Gapay, maging si Pangulong Duterte, na mawawakasan nila ang rebelyon at malilipol ang mga rebeldeng komunsita sa pagtatapos ng termino ng Pangulo sa paraan ng red-tagging at pagpaslang? Mababakas hindi lamang ang pagdadalamhati kundi, higit sa lahat, ang poot ng sektor na ito ng manggagamot at pangkalusugan. Pero, hindi lang sila ang nasa ganitong kondisyon. Maging ang mga sektor ng mga nauna nang pinaslang na, ayon kay Karapatan secretary-general Clarizza Singson ng Negros, ay 92 nang human rights defenders, aktibista, abogado, magsasaka, guro at church workers. Abot-langit ang kanilang hiyaw para sa katarungan. E, ang dapat magpairal at maggawad nito ay siyang mismong gumagawa o tumatangkilik ng kalupitan. Ang mga naaapi ay karagdagan sa mga taong napilitan nang ilagay sa kanilang sariling kamay ang paghanap ng katarungan. Samantala, ang pagbaka sa rebelyon sa pamamagitan ng red-tagging at pagpaslang ay hindi magandang paraan para magkaroon ng lion-share sa budget ang militar. Napakasamang paraan ito para maibulsa ang pera ng bayan.
-Ric Valmonte