KUNG magkakatotoo ang babala ng Department of Health (DoH) at ng mga eksperto sa kalusugan, posibleng sumipa ng hanggang 4,000 kaso ng COVID-19 kada araw matapos ang Kapaskuhan o holidays.
Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na maaaring umabot sa 4,000 ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila kung hindi maagapan ang hawahan ng sakit ngayon pa lang. Aniya, ang health system capacity ng bansa ay mahihirapan at 80 porsiyento ng mga ospital ay puno na sa Enero 2021.
Naobserbahan ng DoH ang patuloy na pagtaas ng COVID cases sa iba’t ibang lugar ng bansa, kabilang ang National Capital Region (NCR), sa nakalipas na ilang linggo. “Kung ang trend ay magpapatuloy at hindi maagapan, this could lead to a sharp spike that might overwhelm health system capacity similar in August in NCR. We have seen how it affected us,” ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
Sinabi ni Duque na nababawasan ang pagbuti ng epidemic curve sa siyam na lungsod ng Metro Manila ngayon, na moderate risk kumpara noong nakaraang buwan nang ang lahat ng lungsod ay nasa low risk. Ang average daily attack rate sa lahat ng NCR cities, ani Duque, ay mas mataas sa national average. “The occurrence of another surge will no longer be a matter of if but when and by how much”.
Mula sa negative growth, sinabi ni Vergeire na ang NCR, Ilocos region, Cordillera Administrative Region (CAR) at Cagayan Valley ay nakapag-rekord ng tumataas na trend ng COVID cases sa nagdaang ilang linggo.
Ang bilang umano ng bagong mga kaso at ang overall burden sa populasyon ay pinakamataas sa NCR, CAR, Calabarzon at Davao region. Sa NCR, sinabi ni Vergeire na ang reproduction number ng COVID ay lumundag nang lampas sa 1.0 mula sa dating 0.8.
Ang mga lugar sa NCR na nakapag-rekord ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ay ang Maynila, Quezon City, Makati at Pasig, ayon kay Vergeire. Noong Disyembre 17, ang bilang ng kumpirmadong kaso sa buong bansa ay lumundag sa 454,447, na may bagong 1,470 kaso.
Umabot na sa 8,850 ang namatay dahil sa COVID-19. Hinihimok ng DoH ang publiko na sumunod sa health protocols para mapigilan ang pagdami ng COVID cases matapos ang holiday season.
Kung totoo ang mga balitang isang opisyal ng gobyerno ang naging dahilan ng pagkaantala ng pagdedeliber ng Pfizer COVID-19 vaccines, dapat siyang papanagutin. Sana raw ay darating sa Pilipinas ang 10 milyong doses ng bakunasa Enero 2021, pero maaantala ito hanggang sa Hunyo dahil sabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr., “somebody dropped the ball.”
-Bert de Guzman