PAREHONG hindi interesado ang Duterte administration at ang Communist Party of the Philippines (CPP) na magdeklara ng tigil-putukan (holiday ceasefire) ngayong Pasko at Bagong Taon. Binigyan ng pamunuan ng kilusang komunista ang armadong sangay nito, ang New People’s Army (NPA) ng permiso na magsagawa ng tactical offensives laban sa mga tropa ng gobyerno.
Sa pahayag noong Miyerkules, hinimok ng CPP ang NPA na “ipagtanggol ang masang Pilipino at ang mga sarili laban sa pag-atak ng AFP at biguin ang armadong pananalakay at plano ng kaaway na i-terrorize ang mga mamamayan sa panahon ng holidays.”
Sinabihan ng CPP ang NPA na maaari silang maglunsad ng tactical offensives, lalo na laban sa umaatakeng mga tropa ng estado, na nagsagawa ng mga masaker at extrajudicial killings at notoryus sa paggawa ng mga pag-abuso at paglabag sa human rights”.
Naunang nagpahayag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) na hindi sila magdedeklara ng holiday ceasefire sa mga komunista, bilang pagsunod sa pahiwatig ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD), na nagpasiyang hindi na makikipag-usap ng kapayapaan sa CPP hanggang sa katapusan ng kanyang termino.
“The fascists have always displayed heavy-handed disregard of people’s holidays and disrespect for their customs and traditions,” ayon sa CPP. Idinagdag pang halos imposible na magkaroon ang mga Pinoy ng joyful holiday dahil sa inilulunsad na terrorist attacks ng Duterte administration at sa pagsasagawa nito ng red-tagging sa mga kritiko at aktibista.
Ang CPP ay magdaraos ng ika-52 anibersaryo sa Disyembre 26. Inatasan nito ang lahat ng party committees, NPA units at mass organizations na magsagawa ng mga lihim na pagpupulong at pagtitipon para sa komemorasyon ng kanilang pagkakatatag.
Binalewala lamang ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pahayag ng CPP na hindi rin ito magdedeklara ng tigil-putukan. Ayon sa kanya, ang ceasefires ng nagdaang mga taon ay pumabor lamang CPP-NPA sapagkat ginamit nila ang truce para mag-resupply, magpalakas, makapagtipon at magpunta sa mga komunidad para mag-recruit ng mga miyembro.
Sinabi ni PH Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na tuloy pa rin ang transaksiyon ng Pilipinas sa Pfizer manufacturer para sa pagbili ng COVID-19 vaccines. Ginawa ni Romualdez ang paglilinaw matapos sabihin ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. noong Martes na tiyak na sanang makakakuha ang Pinas ng 10 milyong doses ng COVID-19 vaccines sa Enero 2021, pero may biglang nakialam o “somebody dropped the ball.”
Dahil umano sa ganitong pangyayari, sa halip na sa Enero dumating ang mga bakuna mula sa Pfizer-BioNTech, mababalam ito at malamang na dumating na lang sa Hunyo. “Only pushed back to later date of delivery possibly June of next year...Other countries got ahead of us like Singapore, ani Romualdez.”
Samantala, itinanggi ni Health Sec. Francisco Duque III na “no dropping of the ball” sa negosasyon sa pagbili/pagkuha ng 10 milyong doses ng COVID-19 sa Pfizer-BioNTech. “Walang dropping of the ball dahil tuloy ang negosasyon. Tuluy-tuloy pa ito.”
Hindi binanggit ni Locsin kung sino ang opisyal ng gobyerno na nakialam o “nag-drop ng ball” kung kaya hindi natuloy ang pagdating ng bakuna sa Enero. Sabi naman ni Lacson, kilala niya kung sino ang mataas na opisyal ng gobyerno at nagtataka siya kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ito nasisibak sa puwesto. Kayo, kilala ba ninyo siya?
-Bert de Guzman