NAGKAROON ng mga tensiyon sa nakalipas na mga taon hinggil sa relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China, na naglagay sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa komplikadong sitwasyon, ngunit ngayon, sa pagtatapos ng ikalawang dekada ng ika-21 siglo, isang rehimen ng kapayapaan at kooperasyon ang nabuo, na nagsisiguro ng pangmatagalang pagbabago at pag-unlad para sa bansa at sa rehiyon.
Sa simula ng dekada, matatandaan, ang pag-aanunsiyo ng United States ng isang “Asia Pivot” kabilang ang paglilipat nito ng kanyang 60 porsiyento ng military assets sa rehiyon. Lumikha ito ng halo-halong reaksyon mula sa maraming bansa, kung saan tinitingnan ito ng China bilang isang hakbang upang mapigilan ang pagtaas nito bilang isang regional power.
Humakbang din ang Japan para sa paggigiit nito ng karapatan sa Diaoyu o Senkaku islands, na inaangkin din ng China. Pinalakas din ng Pilipinas ang hakbang nito para sa paggigiit ng karapatan sa ilang bahagi ng South China sea—sa pagsasampa ng kaso laban sa nine-dash claim ng China sa halos buong bahagi ng South China Sea. Nagdesisyon ang Arbitral Court kontra sa pag-aangkin ng China ngunit tumanggi itong magdesisyon sa pag-aangkin ng ibang mga bansa, kaya naman nagpapatuloy hanggang ngayon ang kawalang-katiyakan nagkakatalong karapatan sa lugar.
Sa pag-usbong ng bagong administrasyon ni Pangulong Duterte noong 2016, tinahak ng Pilipinas ang higit na pagpapatupad ng independent foreign policy, kasama ng programa ng diyalogo at kooperasyon sa China at iba pang mga bansang bahagi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na ang ilan ay may iginigiit na karapatan din sa ilang isla sa South China Sea.
Nakinabang ang Pilipinas sa paarang ito ng pakikisama at diyalogo sa China, sa ilalim ni President Xi Jinping, sa pagtanggap ng mga ayuda, pautang at bilyong dolyar na pamumuhunan. Mayroon din isang joint venture para sa oil at gas exploration sa Reed Bank, na may 60-40 kasunduan pabor sa Pilipinas.
Umaasa rin ang ASEAN sa isang kasunduan para sa Code of Conduct sa South China Sea, bilang bahagi ng China-ASEAN vision para sa susunod na dekada.
Ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ng 15 Asia-Pacific nations na may 30 porsiyento ng populasyon ng mundo at ekonomiya ang maituturing na pinakamalaking tagumpay ng ASEAN. Ang visionary project na ito ay maaaring maging isang economic engine para sa pagbangon ng mundo mula sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.
Ilang araw na lamang, lilipas na ang ikalawang dekada ng ika-21 siglo at magsisimula ang panibagong dekada—2021-2030. Itinuturing itong Asian Century at ang Pilipinas ay nasa sentro ng pag-unlad.