Sumabog na ang galit ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson at Assistant Secretary Celine Pialago kay ABS-CBN reporter Doris Bigornia dahil sa umano’y maling ulat ng huli kaugnay ng pagbubukas muli ng dalawang U-turn slot sa EDSA, Quezon City, nitong Biyernes.
Sa kanyang viral na Facebook post, tinawag ni Pialago si Bigornia na “demonyo” kasabay ng pagsasabing, “Miss Doris Bigornia, I will really call your attention through my page since walang pakundangan mong nilabas ang isang viber message na hindi kumpleto”.
“This time hindi kita papalagpasin. Kung meron akong pagsisisi ngayong 2020, yun ay yung pinatawad pa kita. Demonyo kang reporter ka,” pahayag ni Pialago nang ungkatin nito ang paghingi dati ni Bigornia ng kapatawaran sa kanya.
Nag-umpisa ang lahat nang mag-report si Bigornia kung saan ipinakita ang screenshot ng pakikipag-usap ng opisyal sa Viber group of reporters.
Nakasaad sa screenshot ang tungkol sa pagbubukas muli ng U-turn slots malapit sa Dario Bridge at ang isa pa na malapit sa QC Academy.
Nababasa rin sa screenshot ang pagtatanong ng isang mamamahayag kaugnay ng reopening ng U-turn slots na sinagot naman ni Pialago.
Sa isang mensahe ni Pialago sa grupo, nilinaw nito na inilalaan lamang ang U-turn slot sa bahagi ng QC Academy para sa mga light vehicle habang ang Bridge ay para lamang sa emergency vehicles.
Hindi umano naisama ni Bigornia sa kanyang report ang nasabing paglilinaw ni Pialago at ang inilabas lamang nito ay ang katanungan sa group chat.
Ayon kay Pialago, ang nasabing report ni Bigornia ay nagdulot ng pagkalito ng mga motorista.
Noong 2019, naghain ng reklamo si Pialago sa nasabing TV network kaugnay ng umano’y pambubulyaw sa kanya at panunulak ni Bigornia.
-Jel Santos