Nagwakasna ang “toll holiday” na ideneklara ni Mayor Rex Gatchalian ng Valenzuela noon Disyembre 7 kaakibat ng pagsuspindi niya sa business permit ng NLEX Corp. Sinuspindi ng alkalde ang business permit dahil sa magulong pamamalakad ng NLEX sa kanyang 7 toll plaza sa Valenzuela nang ipatupad na nito ang electronic collection system na ginawang sapilitan ng Department of Transportation noong Disyembre 1. Dahil sira ang radio frequency identification (RFID) sensors o mabagal ang RFID stickering at reloading sa mga nasabing toll plaza, naging mabigat ang trapik. Grabeng naapektuhan ang nasasakupan ng alkalde. Sa negosasyong naganap sa pagitan nina Mayor Rex at NLEX Corp. president and general manager Luigi Bautista, napagkasunduan na aayusin ng toll operator ang kanilang RFID system at nakataas ang mga barrier sa toll booth mula alas singko ng umaga hanggang 10 ng gabi. Dahil pagsapit na ng gabi, halos mga truck na ang gagamit ng toll expressway, upang masubaybayan ang mga ito at maiwasan ang aksidente, ibaba ang mga barrier mula 10:00 ng gabi.
Ayon kay Pangulong Duterte, tama lang ang ginawa ni Mayor. Sa pakikipagpulong niya sa Gabinete hinggil sa mga ginagawa ng gobyerno sa paglaban sa COVID-19, sinabi niya na ang problemang sumusulpot sa pagpapairal ng RFID ay sakop ng kapangyarihan ng mga local government units sa limitadong kapasidad dahil sila ang nagiisyu ng business permit to operate. Mistulang sinangayunan din ng Pangulo ang panawagan ni Sen. Win Gatchalian, kapatid ng alkalde, ukol sa panawagan nitong magbitiw ang pinuno ng Toll Regulatory Board. Wika kasi ng Senador: “Kung ako ang tatanungin mo, hindi talaga nagtatrabaho ang TRB. Ang sinumang namumuno nito ay dapat magbitiw at ibigay ang pwesto sa nakakaalam ng tungkulin.”
Ganito rin ay naging puna ng Pangulo sa gulong nangyari sa pagpapairal ng RFID system sa north expressway. Isinisi niya ito sa TRB, na tulad ng ibang ahensiya, aniya, mga walang kakayahan ang mga opisyal nito. Ngaoyn lang pala nalaman ng Pangulo ang kapalpakan ng kanyang mga hinirang, eh malapit nang magwakas ang kanyang termino. Masyado kasi siyang nanalig sa survey at ingay ng kanyang mga troll. Simula pa lang ng kanyang panunungkulan, pagkatapos siyang iwan ng kanyang mga naunang hinirang na nagtrabaho nang lubusan sa paniniwala nilang marubdob niyang tutuparin ang kanyang pangakong “Change is coming”, nawala na sa hulog ang kanyang pamamahala. Hindi naman kaya ibinunton niya ang sala sa TRB dahil hindi na niya magawa ito sa toll operator ng NLEX? Kasi, ang toll operator na ito ay siya rin ang water concessionaire na Maynilad, na tulad ng Manila Water, ay pinagbantaan noon ni Pangulong Duterte na kakanselahin ang kanyang kontrata sa gobyerno dahil sa umano ay paglabag dito. Ang Manila Water ay toll operator naman ng SLEX. Eh nagkaroon ng kalamidad at nagdonasyon ng napakalaking halaga ang Maynilad at Manila Water concessionaire, na sila ang toll operator ng NLEX at SLEX, sa mga umano ay nasalanta. Hindi na sila ginalaw ng Pangulo dahil dito.Hindi ko alam kung sino ang tumanggap ng donasyon at sino ang nakinabang
-Ric Valmonte