HANDA na ang lahat para sa paghataw ng ika-7 PASAY ‘The Travel City’ Racing Festival sa Linggo (Disyembre 20) sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar, Batangas.
Ang pinaka-aabangang pakarera na ito ng Pasay City, ang “premiere gateway” ng turismo sa bansa, ay mapapanood din ng “live” sa CignalTV Cable Channel 107.
May apat na major races ang buong araw na racing festival kabilang na ang 7th PASAY ‘The Travel City’ Cup na paglalabanan ng mga local at imported na kabayo na may edad apat na taong gulang pataas at may kabuuang P500,000 papremyo.
Ang mananalo sa 7th PASAY ‘The Travel City’ Cup na itatakbo sa distansiyang 1,600 metro ay mag-uuwi ng P300,000 habang ang runner-up ay tatanggap ng P112,500.
Magbabalik para idepensa ang koronang nakuha nito noong isang taon ang kabayong Summer Romance. Inaasahang mapapalaban ito sa dalawang paboritong imported entry na Chancetheracer na mula Estados Unidos at Certain To Win na galing sa Australia.
Narito ang official lineup para sa 7th PASAY ‘The Travel City’ Cup: Summer Romance – CS Pare 55; Sooner Time – PM Cabalejo; Helushka – Pati Dilema 54; Son Also Rises – Mark Alvarez 53; Chancetheracer – Jesse Guce 56; Box Office – John Alvin Guce 54; Goldsmith – Rodeo Fernandez 53; Anino – Kelvin Abobo 52; Candid Moment – CP Henson 54; Viva Morena – Dan Camanero 54; National Pride – AR Villegas 54; Gomper Girl – JD Flores 53; at Certain To Win – JP A Guce 56.
Mag-uumpisa ang mga karera alas-12 ng tanghali tampok ang tatlo pang major races at 11 trophy races na itinataguyod din Resorts World Manila, SMDC, Pagcor, Double Dragon Properties, Century Peak, at Boysen Paints.