AAGAPAN ng Gilas Pilipinas ang kanilang gagawing paghahanda para sa ikatlo at huling window ng FIBA Asia Cup 2021 Qualifiers na nakatakdang idaos sa Clark, Pampanga sa Pebrero.
Bagama’t wala pang inihahayag na komposisyon ng national pool, ayon kay national coach Jong Uichico ay maghahanda na sila sa bungad pa lamang ng Enero upang mas higit na makapag-adjust ang mga players sa sistema.
“We’ll start early for next year, for Window Three. We’ll start really early,” ani Uichico.
Muling idaraos ang training camp bubble sa Inspire Sports Academy sa Laguna.
Mas impresibong Indonesian team ang sumabak noong Nobyembre sa Bahrain kung saan tinalo nito ang Thailand, 90-76, sa pamumuno nina Indonesian- American Brandon Jawato at naturalized center Lester Prosper.
Dalawang beses na makakatunggali ng Gilas (3-0) ang South Korea na kasalukuyang pumapangalawa sa kanila sa standings sa Group A makaraang gapiin ang Indonesia (106-79) at Thailand (93-86) noong unang window sa darating na third window sa Pampanga.
-Marivic Awitan