Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang empleyado ng Department of Justice (DOJ) dahil sa pangingikil ng P1 milyon sa isang Customs broker bilang “pasalubong” umano kay retired Philippine National Police (PNP) chief at incoming Bureau of Customs (BOC) Commissioner Camilo Cascolan.

Kahapon, iniharap ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin sa mga mamahayag ang suspek na si Louie Miranda, contractual employee ng Witness Protection Program (WPP) ng DOJ.

Si Miranda aniya ay dinampot ng NBI-Special Action Unit (NBI-SAU) sa isang entrapment operation sa Quezon City nitong Disyembre 15 batay na rin sa reklamo ni Ramir Gomez.

Isinailalim na rin ito sa inquest proceedings sa DOJ sa kasong Robbery/Extortion nitong Disyembre 16.

Eleksyon

Rep. France Castro, Rep. Arlene Brosas, binisita si Ex-VP Leni sa Naga

Nilinaw ni Lavin, ginagamit ni Miranda ang pangalan ng dating police official upang makapangotong ng tig-P1 milyon sa mga broker bilang “pasalubong” umano ito sa kanya (Cascolan) sa nakatakdang pag-upo nito sa BOC.

“Parang sinasabi niya rito na pasalubong ito doon sa incoming customs chief,” sabi ni Lavin.

Nagbanta pa aniya si Miranda sa mga Customs broker na kung hindi makapagbigay ng tig-P1 milyon ay magiging P10 milyon na ito sa susunod na taon.

“Sa aming pagkakaalam, wala siyang koneksyon Gen. Cascolan,” pagdidiin ni Lavin.

Pagdidiin ni Lavin, mismong ang kapatid ni Cascolan sa BOC ang humingi ng tulong sa NBI kaugnay ng reklamo ng mga Customs broker.

“We are calling on the public, ‘yung nabiktima nitong si Louis Miranda to come forward and magsumbong dito sa NBI,” apela ni Lavin.

Kumpiskado aniya nila ang cellular phone ni Miranda bilang isa sa ebidensya.

“We are also conducting a forensic examination on his mobile gadget. Tinitingnan namin kung ano pa ‘yung activities nito,” dagdag pa ni Lavin.

-JEFFREY DAMICOG