MGA atleta sa tatlong combat sports na boxing, karate at taekwondo ang nakatakdang mabigyan ng pagkakataong makapagsanay sa isasagawang training bubble ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Laguna.

Ang mga nasabing piling atleta ay itinuturing may pinakamalaking tsansang mag-qualify para sa darating na Tokyo Olympics. Matatandaang pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagsasanay ng mga Olympic bound athletes.

Ayon kay PSC chairman William “Butch” Ramirez, 16 na atleta ang ipapadala ng boxing, 6 sa karate at 5 sa taekwondo para pumasok sa training bubble na gaganapin sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

Sa kasalukuyan, ani Ramirez ay may kabuuang 87 mga Filipino athletes ang naghahabol pang magkamit ng Olympic berths at base sa pag-aaral nila sa ahensiya ay posibleng 15 porsiyento nito ang posibleng mag qualify.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Lahat yun susuportahan namin kasi meron namang budget na ibinigay sa tulong ng Senado at ng Kongreso,” pahayag ni Ramirez sa huling edisyon ng TOPS Usapang Sports para sa taong ito kahapon kung saan naging panauhin sila ni Games and Amusement Board (GAB) chairman Baham Mitra.

Ayon kay Ramirez, tutustusan ng PSC ang lahat ng pangangailangan ng mga atleta habang nasa loob ng bubble kabilang na ang pagkain at board and lodging sa loob ng 90 araw o tatlong buwan simula sa darating na Enero.

Marivic Awitan