“Masasabi ko ng buong pananalig na malapit na naming matupad ang aming hangarin na malilipol ang banta ng mga armadong komunista sa 2022. Sa magaling na operasyon, epektibong organisasyon, at patuloy na suporta ng ating mamamayan, makakamit natin ang tagumpay na nilalayon natin,” wika ni Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Gilbert Gapay. Ito ang kanyang reaksiyon sa naiulat na may kabuang 201 rebelde ang napaslang, bukod pa ang pagkakaaresto ng 264 miyembro at boluntaryong pagsuko ng 3,615 na mga supporter ng kilusan mula ng Enero ng kasalukuyang taon. Determinado, aniya, ang Pangulo na lipulin ang mga rebelde bago pa man matapos ang kanyang administrasyon.
Tulad ni Pangulong Rodrigo Duterte, nangangarap lang si Gen. Gapay. Sa maling konteksto niya kasi ginawa ang kanyang pahayag. Hindi komo dahil sa galing ng mga sundalo eh nakapaslang sila at nakaaresto ng mga rebelde, at nagawa nilang mapasuko ang mga supporter nito ay nagbabadya na mauubos na sila. Kung 50 dekada nang lumalaban sa pamahalaan ang CPP-NPA, 50 dekada ring nilabanan ng pamahalaan ang rebeldeng grupong ito sa pamamaraang ipinagmamalaki ni Gen. Gapay. Pero, 50 dekada pa rin na hindi maiwaksi-waksi ng gobyerno ang nasabing grupo. Kaya ko nasabing nangangarap lamang si Gen. Gapay nang ipahayag niyang malilipol niya ang mga rebelde sa pagtatapos ng termino ng Pangulo dahil, sa kanya, ubusan ito ng lahi, ngipin sa ngipin o kaya dahas laban sa dahas. Hindi mauubos ang mga rebelde. Sa bawat may mabuwal sa kanila, may titindig upang ipagpatuloy ang kanyang ipinaglalaban. Sa bawat may naaresto, may papalit sa kanya. Kasi, ang rebelyon, tulad ng isinusulong ng CPP-NPA, ay hindi lang problemang militar. Higit itong problemang pang-ekonomiya. Hindi mawawala o mapapahina ang puwersa ng mga rebelde habang sa isang bansa, tulad ng bansang Pilipinas ngayon, na ang mga mamamayan ay nakalugmok sa kahirapan sanhi ng kasakiman ng iilan na ginagamit ang gobyerno para sa kanilang kapakanan na ikinapipinsala ng nakararami. Kapag sila ay nagreklamo, pinapatay, inaaresto at ikinukulong upang dito na nila ubusin ang nalalabing panahon ng kanilang buhay.
Sa totoo lang, ang mga rebeldeng grupo tulad ng CPP-NPA, ay nagsisilbing neutralizer. Sila ang may armas na handang lumaban. Kapag ang gobyerno ay gumaganap ng kanyang tungkulin bilang instrumento ng taumbayan para sa kanila ikabubuti, malakas ito dahil sa taumbayan mismo nagbubuhat ang kanyang lakas. Hindi mo maaasahan ang mamamayan na labanan ang gobyernong nagpapala sa kanila at nagbibigay ng magandang buhay. Subalit kapag ang gobyerno ay ginagagamit na ng iilan para sa kanilang kapakanan na dahilan naman ng kahirapan ng mamamayan, dito lalakas ang mga rebeldeng grupo lalo na kung sa kanilang pagrereklamo ay gagamitan sila ng kamay na bakal. Takbuhan ang mga rebeldeng grupo ng mga taong ang nakikitang lunas ng kanilang kahirapan at kaapihan ay ang lumaban. Kaya, fake news and ideneklara ni Gen. Gapay na malapit na nilang malipol ang CPP-NPA dahil ang gobyerno kailanman ay hindi naging gobyerno ng mamamayan kundi ng mga iilang sakim na sanhi ng kanilang kahirapan at kaapihan na nagtutulak sa kanila para lumaban.
-Ric Valmonte