Dalawang lalaking pinaghihinalaang miyembro ng kidnap-for-ransom (KFR) group ang napatay nang makasagupa ang mga awtoridad sa Antipolo City, kahapon ng umaga.

Nakilala lamang ng pulisya ang mga suspek sa mga alyas na “Kelly” at “Roy” na pinaniniwalaang miyembro ng Mokong group.

Sa ulat ng mga awtoridad, ang engkwentro ay naganap sa Marcos Highway, Sitio Painuman, Bgy. Inarawan, dakong 5:40 ng madaling araw.

Nauna rito, nakatanggap umano ng ulat ang mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) na may grupo na nagpaplanong mangholdap sa lugar kaya kaagad na naglagay ng checkpoint ang mga pulis.

National

Atty. Kaufman, pinuri pag-imbestiga ni Sen. Imee sa pag-aresto kay FPRRD

Sinasabing tinangka umano ng mga suspek, na magkaangkas sa isang motorsiklo na walang plaka, na umiwas sa naturang checkpoint nang parahin sila ng mga awtoridad.

Bigla umanong pinaputukan ng baril ng mga suspek ang mga pulis kaya nagkaroon ng sagupaan na ikinamatay ng dalawang suspek.

Narekober sa crime scene ang isang Cal. 45 pistol, UZI sub-machine gun at ilang basyo ng bala.

Sinabi ng pulisya, ang Mokong group, na pinamumunuan ng isang Ryan Bonn Dela Cruz, ay sangkot sa ilang illegal na aktibidad, gaya ng gun-running, robbery, kidnap-for-ransom at pagpapakalat ng iligal na droga sa Metro Manila at sa mga kalapit na lalawigan.

-Mary Ann Santiago