PARA sa ating mga kababayan, isang malungkot na Kapaskuhan ang daratal ngayong taong 2020 dahil maraming mga nakaugalian ang pamilyang Pilipino ang ‘di muna maaaring gawin, kapalit ng kaligtasan sa pagkahawa sa nakamamatay na COVID-19, na nagpapahirap sa buong mundo.
Sa akin lang, ang siguradong hahanap-hanapin ko -- lalo na ng aking bionic ear -- sa pagsisimula ng pagdiriwang ng mahabang Holiday para sa ating mga kababayan, ay ang
pagka-caroling ng mga kabataan na dapat ay nagsimula kagabi. Pero nakalulungkot dahil – wala akong naulinigan na mga paborito kong linya ng mga nagkakaroling, lalo na ‘yung mga naghaharimunan na mga paslit.
Ewan kung kagaya ko, ay hinahanap-hanap n’yo rin ang mga linyang ito ng mga awiting Pamasko, na paborito ng mga nagbabahay-bahay na mga bata – gaya ng mga ito:
“Merry Christmas NAWAWALATI”, mula sa pamaskong awitin na -- “Sa Maybahay ang Aming Bati”. Kapag naririnig ko ito, bago ko abutan ng barya ang mga bata, pinauulit ko ang kanta sa kanila, at pagkatapos ay sinasabihan ko sila na ang tamang salita ay MALUWALHATI. Tawanan at kantiyawang umaatikabo…yun lang, paglipat nila sa kabilang bahay, ganun ulit ang kanilang linya sa kanta!
Ito pa – “Jingle all the way. Oh what’s fun INIS to RIDE ANYONE on OPEN PLAY -- HEY” mula sa kantang Jingle Bells” na ang tamang linya na idinidikta ko sa kanila ay ito: “Jingle bells, jingle bells, jingle all the way. Oh, what fun it is to ride, in a one horse open sleigh…HEY”.
Minsan pa nga, ‘di ko alam ang title nung kinakanta ng mga bata. Sa luob-loob ko, bagong kantang Pamasko ng mga Pinoy. Kamuka’t mukat ay pamaskong awitin pala ito ng broadcast network na GMA-7 at ABS CBN. Na memorize nila dahil pauli-ulit na naririnig sa radio at TV – kaya ginamit na rin nila sa pagka-caroling.
Pagkatapos nang nakatutuwang pagkanta ng mga ito, at pag-abot ko ng barya – ang barya ko po ay ‘yung bagong P20 at P5 na coins -- sabay-sabay silang pasigaw na kakanta ng: “Thank you, thank you…ang babait ninyo, thank you!”
Marami pang ibang linya ng mga Pamaskong awitin, na siguradong kagaya ko, ay mami-miss n’yo rin -- dahil nga sa ipinagbawal na ang pangangaroling ngayong 2020 Pasko, lalo na sa mga kabataan.
Kung paano ito lulusutan ng ating mga ma-gimik na kabataan, at kung paano rin ito ipatutupad ng ating mga opisyal ng barangay – na nasisiguro kong may puso pa rin pagdating sa ganitong mga bagay -- ay isa na namang kaabang-abang na tagpo na dapat nating abangan.
Idagdag pa rito ang limitasyon sa family bonding o pagsasama-sama ng buong pamilya – mga anak, apo at ibang pang kamag-anakan na manggagaling pa sa iba’t ibang lugar – lalo na sa bispiras ng Pasko at Bagong Taon. Ang panawagan ng mga eksperto -- hangga’t maaari ay iwasan muna itong gawin ngayong Kapaskuhan!
Pakiusap naman ng Department of Health (DoH) ay wala na munang karaoke o videoke, dahil mas malayo ang nararating ng virus, at mas malakas ang hawaan sa pagtitipong may kantahan.
Pero ikintal sana natin sa isipan na ang lahat ng ito ay hindi kapritso ng ating awtoridad. Bagkus ay bahagi ito ng pang-buong mundo na alituntunin na dapat isagawa ng mga tao, upang maibsan ang pagkalat ng COVID-19 -- hanggat wala pang natutuklasan na malinaw at siguradong panlaban dito ang ating mga eksperto.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.