NAPANATILI ng National men's basketball team na mas kilala bilang Gilas Pilipinas at ng national men's football squad na tanyag sa tawag na Philippine Azkals z sa world rankings ng kani-kanilang international federations.
Base sa inilabas na FIBA (International Basketball Federation) rankings, ang Gilas Pilipinas ay nananatiling nasa ika-31 puwesto sa natipon nitong 340.8 puntos kasunod ng naitala nilang dalawang panalo noong nakaraang November window ng FIBA Asia Cup 2021 Qualifiers na idinaos sa isang bubble sa Manama, Bahrain.
Kasalukuyan namang pang-anim ang Gilas sa pinagsamang Asia -Oceania region kasunod ng world no. 3 Australia (on 666.5 points), world no. 23 Iran (432.1), world no. 25 New Zealand (420.5), world no. 28 China (363.7) at world no. 30 South Korea (341.1).
Buhat naman sa dating kinalalagyang 49th spot, bumaba ang Gilas Pilipinas Women sa 50th taglay ang 124.5 puntos.
Nasa ikapitong puwesto naman sila sa Asia-Oceania kasunod ng world no. 2 Australia (714.5), world no. 9 China (571.5), world no. 10 Japan (540.1), world no. 19 South Korea (333.3), world no. 33 Chinese Taipei (181.1) at world no. 34 New Zealand (171.1).
Hindi rin natinag sa kanilang 124th place sa FIFA(Fédération Internationale de Football Association) rankings, ang Philippine Azkals na may 1,136 puntos.
Kasalukuyan naman silang nasa ika-23 puwesto sa Asian rankings at pangatlo sa Southeast Asian region kasunod ng world no. 93 Vietnam (1,258) at world no. 111 Thailand (1,178). Marivic Awitan