NASA huling dalawang linggo na tayo ng Disyembre 2020. Matapos ang isang taon ng COVID-19 pandemic, sinabi ng World Health Organization (WHO) na tatlong rehiyon sa mundo ang patuloy na tumataas ang bilang ng impeksyon at pagkamatay—ang Europe na may halos 100 porsiyentong pagtaas ng pagkamatay kada linggo; ang America, partikular sa United States, na may 54 porsiyento; at Africa, 50 porsiyento.
Ngunit sa pagsisimula ng mass vaccination sa Britain at malapit na sa US, malaki ang pag-asa na malapit nang bumuti ang sitwasyon ng mundo. Ang produksyon ng mga bakuna laban sa isang sakit na hindi batid noong nakaraang taon ay isang “astounding scientific achievement,” sinabi ni Michael Ryan, WHO emergencies director, sa pagkokonsidera na kalimitang gumugugol ng ilang taon bago makapag-develop ng isang bakuna para sa bagong sakit.
Nabili na ng UK, US at iba pang mayayamang bansa ang inisyal na suplay ng bagong mga bakuna. Lumikha naman ang WHO ng isang proyekto upang mapabilis ang pagbuo ng COVID-19 vaccines at maipamahagi ito ng patas sa 189 bansa nang hindi tinitingnan ang yaman nito.
Ang proyektong pinangungunahan ng WHO – ang COVAX – ay may layuning makapagtabi ng bakuna para sa 20 porsiyento ng populasyon ng bawat bansa sa pagtatapos ng taon. Kasama ng WHO sa COVAX ang Coalition for Epidemic Preparedness innovations. Habang dagdag pang mga kasunduan ang plano upang matulungan ang mas mahihirap na bansa sa mundo, ayon sa WHO.
Sa Pilipinas, patuloy na tumataas ang bilang ng kaso sa ilang bahagi ng bansa. Sinabi ng OCTA Research Group ng University of the Philippines na marahil dulot ito ng pagdagsa ng mga tao sa mga pampublikong lugar, maluwag na implementasyon ng mga health protocols, at “pandemic fatigue” – ilang mga tao ang hindi na sumusunod sa mga safety measures. “What we do now as individuals and citizens is more important in the next two weeks than any intervention the government does,” pahayag ni OCTA member Ranjit Rye.
Ang mga gagawin natin sa susunod na dalawang linggo ay may kinalaman sa Kapaskuhan na tradisyunal na ipinagdiriwang ng mga Pilipino sa panahong ito ng taon. Hinikayat ni World Health Organization chief Tedros Adhanom Ghebreyesus ang mga tao sa mundo na panatilihin ang kanilang pag-iingat laban sa COVID-19 sa huling dalawang linggo ng Disyembre.
“The festive season is a time to relax and celebrate but celebration can quickly turn to sadness if we fail to take the right precautions,” aniya. “As you prepare to celebrate over the coming weeks, please consider your plans very carefully. If you live in an area with high transmissions, please take every precaution to keep yourselves and others safe. That could be the best gift you could give—the gift of health.”
Samaktuwid, kritikal na panahon ang huling dalawang linggo ng taong ito para sa pandemya at binigyang-diin ng WHO na nakasalalay ang malaking responsibilidad sa bawat indibiduwal. Naglabas na ang ating pamahalaan ng mga restriksyon partikular para sa mas kritikal na mga lugar, ngunit sa huli, nakasalalay pa rin sa bawat indibiduwal na kailangang gawin ang kanyang bahagi sa pamamagitan ng tatlong basikong hakbang—pagsusuot ng face mask sa pampublikong lugar, pagpapanatili ng distansiya, at palagiang paghuhugas ng kamaky —Mask. Iwas, Hugas.