PANIBAGONG Pinay nurse ang laman ng international news nitong Huwebes.
Ang una ay si May Parsons, isa sa halos 20,000 Filipino nurses na staff ng National Health Service ng Britain, na nagturok ng unang COVID-19 vaccine ng mundo kay Margaret Keenan, 90, nitong Martes. Ito ang hudyat ng pagsisimula ng vaccination program sa mundo na inaasahang tatapos sa pandemya na nananalasa sa nakalipas na 12 buwan.
Makalipas ang isang araw, sa United States, isa pang Pinay nurse—si Flor Maylyn Roz – ang laman ng mga balita nang surpresahin siya ng sikat na US television host, si Ellen Degeneres, ng isang regalong bagong sasakyan na personal nitong i-dineliver sa kanyang tahanan sa Los Angeles, California.
Orihinal na mula Cebu, nagkaroon si Flor ng COVID-19 noong Marso habang nagtatrabaho kasama ng iba pang mga frontline nurses at mga medical personnel na nangangalaga sa mga pasyente ng COVID sa Los Angeles hospital. Agad siyang bumalik ng trabaho matapos gumaling.
Nakaapekto, aniya, ang pandemya sa kanilang pamilya financially, tulad ng maraming ibang pamilya sa America. “Right now, me and my husband share a car. If I don’t have the car, I sometimes ask my co-workers to pick me up and I walk. Or sometimes, I take Uber.” Nang matanong kung ano ang pakiramdam ng maging frontliner sa gitna ng pandemya, sinabi niyang “honored just being there for people she is taking care of.”
Sinabi ni Degeneres na “[she found her work] amazing” at nagpasalamat sa kanyang serbisyo, habang personal na idineliver sa kanya ang bagong sasakyan.
Nang sumunod na araw, ibinahagi ni Degeneres na may COVID-19 siya. Inanunsiyo niya na nagpositibo siya sa pagsusuri bagamat “[she was] feeling fine right now.” Sa isang Instagram post, sinabi niyang: “I’ll see you all again after the holidays. Please stay healthy and safe.”
Naging bahagi na ang maraming Filipino nurses ng maraming health systems ng mga bansa sa mundo, partikular sa Europe, Middle East, at North America. Ang mga Filipino health workers na ito ay kabilang sa mga nangunguna sa pagsisikap ng mga ospital sa mundo para alagaan ang mga biktima ng pandemya, na kabilang sa mga pinaka apektadong grupo, na nagdurusa sa mataas na bilang ng mga namamatay.
Malayo pa bago matapos ang pandemya. Nagsimula na ang vaccination sa United Kingdom at sa pag-apruba kamakailan ng US sa kaparehong Pfizer vaccine, inaasahang malapit na ring simulan ang pagbabakuna sa bansang ito, na naging episento ng pandemya.
Natural na nakatuon ang atensiyon ng mundo sa milyon-milyong impeksyon at pagkamatay. Ngunit sa dalawang balitang ito mula UK at US, masaya tayong nakikilala ang ginagampanang tungkulin ng mga Filipino nurses at iba pang health workers sa pamamagitan nina May Parsons sa Britain at Flor Maylyn Roz sa US.