Pinaiimbestigahan ngayon si Philippine Labor Attaché Nasser Mustafa kaugnay ng reklamo ng sexual harassment at bribery na isinampa ng mag-asawang Pinoy na nagtatrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia.

Sa kanilang liham sa Kingdom’s Administration of Expatriate Affairs at sa Chief of Police ng Riyadh, binanggit ng mag-asawang sina Herbert at Aireen Mayores na wala silang ibang paraan kundi magsampa ng reklamo laban kay Mustafa, ilang araw matapos silang ireklamo ng libelo sa Saudi Police ng nasabing opisyal.

“May we ask from your honorable office for assistance to execute a thorough investigation we are very much willing to cooperate in the best way we can in the service of the Saudi government,” ang bahagi ng liham ng mag-aawa na may petsang Disyembre 6, 2020.

Ang dalawa ay nagtatrabaho bilang liaison officer at welfare officer para sa mga lisensyadong recruitment agency na naka-base sa Riyadh.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Nitong nakaraang linggo, pinigil ang mag-asawa sa presinto sa Riyadh dahil sa nasabing libelo.

Gayunman, pansamantalang nakalalaya ang mga ito habang nakabinbin ang kanilang kaso matapos silang humingi ng tulong sa Philippine Embassy.

Nakauiwi na ng Pilipinas si Mustafa matapos ipasailalim ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa imbestigasyon bilang tugon sa liham ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. na humihingi ng aksyon sa kanya kaugnay ng mga kasong isinampa ng mag-asawa.

Naiulat na naaipit na ang mag-asawa sa sitwasyon matapos umano silang isailalim sa hold departure status ng Saudi government dahil sa kinakaharap na libelo.

Sa isang online interview, sinabi ng mag-asawa na babalik na sana sila sa Pilipinas ngayong Kapaskuhan kasabay sana ng paghahain nila ng kaso sa Office of the Ombudsman laban kay Mustafa.

Nag-ugat ang usapin nang ireklamo ni Aireen ng sexual harassment at acts of lasciviousness si Mustafa sa Philippine Embassy.

Ayon kay Aireen, nangyari ang nasabing mga insidente sa loob ng opisina ni Mustafa sa Riyadh habang inaasikaso nito ang mga job order sa ngalan ng kanilang sponsor, noong Pebrero 13.

Inakusahan naman ni Herbert si Mustafa na na tumanggap ng 900 Saudi riyals na halaga ng personalized pen bilang “regalo” mula sa isang Saudi employer at daan-daang dolyar mula sa iba pang ahensya upang maaprubahan ang kanilang dokumento at applications.

Nitong Oktubre 21, nakarating kay Locsin ang reklamo ng mag-asawa hanggang sa kumilos na si Bello.

-ROY C. MABASA