TINIYAK ng Palasyo na hindi mahahaluan ng katiwalian ang pagbili ng mga bakuna para sa COVID-19. Naglaan ng P70 bilyon ang Kongreso at gobyerno na ipambibili ng vaccines mula sa ibang bansa.
Sinabi ng mga opisyal ng Department of Health (DoH) na naatasang pag-aralan ang potential COVID-19 vaccines, na hindi nila pahihintulutan ang ano mang uri o porma ng suhulan kasunod ng mga report na ang isang kompanya ng China at ang nangungunang vaccine manufacturer na Sinovac, ay nanuhol umano sa mga regulator upang makuha ang approval nito.
Batay sa report ng Washington Post noong nakaraang linggo, napaulat na ang Sinovac, isa sa mga kompanya na nakikipag-negotiate sa Pilipinas para sa posibleng pagsusuplay ng bakuna, ay “umamin” sa bribery case na sangkot ang chief executive officer (CEO) nito.
Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na tiwala si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na kaya ng Food and Drug Administration (FDA) na tuparin nang buong husay ang tungkulin nito tungkol sa isyu ng bakuna.
“Consistent kami sa pagsasabing papayagan lang namin ang paggamit ng vaccines na napatunayang ligtas at mabisa laban sa COVID-19,” ayon kay Roque. Buo raw ang kumpiyansa ni PRRD kay FDA director general Eric Domingo tungkol sa mga alegasyon ng suhulan. “I don’t think it will happen in the Philippines.”
Nagbigay ng garantiya ang DoH na ang expert panel na magsusuri sa COVID-19 vaccines ay magsisiyasat sa alegasyon laban sa Sinovac. Ayon kay Roque, maaaring ang Sinovac ang unang bakuna na ipamamahagi sa Pilipinas, na ngayon ay may 443,000 COVID-19 infections.
Nagkakaisa ang mga alkalde sa Bulacan na ibalik ang cash lanes sa toll plazas sa North Luzon Expressways (NLEX) hanggang hindi naaayos ang technical issues sa RFID o radio frequency identification stickers.
Nag-isyu ng manifesto ang League of Municipalities (LMP) Bulacan Chapter na sumusuporta sa desisyon ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na itigil ang cashless transaction sa NLEX habang inaayos ang tollway system. Ang NLEX ang daanan ng ilang lalawigan sa Bulacan.
Naniniwala ang mga mayor ng Bulacan na ang pagbubukas na muli ng cash lanes ay pipigil sa malalang trapiko o gridlock sa toll plazas, na nakaapekto sa maraming motorista at pasahero. Ayon sa kanila, dahil sa mabigat na daloy ng trapiko sa NLEX bunsod ng RFID glitches, naapektuhan din ang mga negosyo at paghahatid ng mga produkto mula sa Bulacan.
Talagang magagaling at mahuhusay ang Pinay nurses. Sa United Kingdom, isang Pinay ang gumawa ng kasaysayan nang siya ang unang nagturok ng bakuna sa isang 90-anyos na Lola. Siya ay si May Parsons. Ngayon naman, isang Pinay rin (Fil-Am) ang nasorpresa nang bigyan siya ng sikat at kilalang talk show host na si Ellen de Generes at producer Andy Lassner ng isang brand new car Hyundai car.
Kinilala ni De Generes si Flor Maylyn dahil sa pagiging dedikadong frontliner laban sa COVID-19. Siya at ang asawa at anak ay nakatira sa Los Angeles, California. Nangangalaga siya sa mga pasyente na may COVID-19 sa ospital na pinagtatrabahuhan. Sinabi niyang napakahirap sa isang frontliner na tulad niya ang umiiral na health crisis. Mabuhay ang Filipino nurses, mga bayani rin kayo!
-Bert de Guzman