DALAWANG larawang ang inilabas ng isang pahayagan sa kanyang isyu nitong nakaraang Disyembre 11. Ang isang larawan ay nasa unang pahina nito na nagpapakita ng mga nakaupong daang-daang tao na nakaface mask at face shield. Nakataas ang kanilang kamay na may iwinawagayway na kapirasong papel. Ang kapirasong papel palang ito ay voucher mula sa sibikong samahang Tzu Chi Foundation para maayos nitong maipamahagi ang cash assistance sa kanila na mga residente ng Marikina na ang kanilang bahay ay winasak ng mapanirang bagyong “Ulysses”. Gagamitin nila ang makukuhang ayuda para sa pagpatayo ng bahay. Sa kabilang pahina ng nasabing pahayagan ay ang larawan ng mga taong nagtipon-tipon sa kabila ng pagbabawal sa mass gathering, upang ipagdiwang ang international human rights day. Ang mga ito ay ang mga aktibistang sa paraan ng protesta idinaos ang pagdiriwang. Inilapit nila ito sa kinaroroonan ni Pangulong Duterte dahil nagtipon sila sa Mendiola malapit sa Malacañang. Kinondena nila ang pag-aresto, pagkulong at pagpatay sa mga kapwa nilang kritiko ng administrasyon.
Kung ang larawan ay sinasabi nilang speaks volume, ganito inihayag ng dalawang larawan ang kalagayan ngayon ng bansa. Ganito ang kalagayan ng bansa sa panahon ni dating Pangulong Marcos nang ikinakasa na ng taumbayan ang labang lulupig sa kanyang pagkadiktador. Ang unang larawan ng mga residente ng Marikina ay nagpapakita ng kahirapan. Ang kanilang kahirapan ay lubusang naihayag nang hagupitin sila ng kalamidad. Tulad ng mga iba na nasa iba’t ibang bahagi ng ating bansa, sila ay naghirap na. Bakit nga ba hindi, eh ang ating bansa, sa kapabayaan at walang kakayahang magpatakbo ng gobyerno ng mga namumuno, sukat ba namang isailalim sa napakahabang lockdown dahil sa panemya. Bilang pagresponde sa pagkalat ng salot, inilagay sa task force para rito ay mga pulis at sundalo. Epektibo ang task force para pigilin ang paggalaw ng tao sa pagtupad ng lockdown at quarantine, pero pinabagsak naman nito ang ekonomiya. Tumigil ang mga negosyo at pabrika at nawalan ng trabaho ang marami sa mamamayan na karamihan ay mga dukha. Nasa ganito silang kalagayan nang matagpuan sila ng magkakasunod na mapaminsalang bagyo na nagpalubha sa kanilang kahirapan.
Ang ikalawang larawan ng mga nagpoprotestang aktibista ay nagpapakita na ng kanilang galit dahil sa kalupitan ng mga nasa gobyenro. Bakit nga naman hindi, wala nang pakundagan ang mga ito sa paglabag sa batas at karapatang pantao. Magkakasunod ang mga pagpatay na at pag-aresto sa mga umaalma na sa ginagawa ng mga ito na naging sanhi ng kahirapan at kagutuman ng mamamayan. Korupsyon ay napakalala na sa ginta ng pandemya. Ibang klaseng virus ito na pumapatay sa gobyerno ng taumbayan at nagpapalusog sa iilan na mapangibot at sakim sa kapangyarihan. Pero, ang mga larawan ay may political statement – inilalapit na ng mga aktibista ang laban para sa katarungan at katinuan sa sentro ng kapangyarihan na minsan ay naririto si dating Pangulong Marcos.
-Ric Valmonte