NIRATIPIKAN na ng Kongreso (Senado at Kamara) ang P4.5 trilyong national budget para sa 2021. Kasama rito ang halagang P70 bilyon na ipambibili ng COVID-19 vaccines at sa recovery programs. Ipadadala ang pinagtibay na pambansang budget sa Tanggapan ng Pangulo para pirmahan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte.
Sinabi nina House committe on appropriations chairman Rep. Eric Yap at Deputy Speaker Mikee Romero na nanguna sa House contingent sa bicam at lumagda sa report sa pangalan ng Kamara, nagkaroon ng ilang institutional amendments sa General Appropriations Bill (GAB) upang lalong matugunan ang mahihigpit na pangangailangan ng mga Pilipino na pininsala ng pandemya.
Humihingi ng patnubay o guidance ang Metro Pacific Tollways Corp (MPTC) sa gobyerno hinggil sa suspensiyon ng business permit ng North Luzon Expressway (NLEX) Corp. ng Valenzuela City goverment.
Sinabi ni MPTC chief communications officer Romulo Quimbo Jr., nais nilang patnubayan ng pamahalaan kung paano malulutas ang isyu ng RFID sa NLEX. Nais ng pangasiwaan ng NLEX na makipag-dialogue kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian upang maayos ang gusto o ano mang hindi pagkakaintindihan.
Inanunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco) na magbababa ito ng overall rate ngayong Disyembre. Sa isang virtual briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Meralco spokesman Joe Zaldarriaga na ang overall rate sa ordinaryong kabahayan ay bababa ng P0.0352 per kilowatt hour, mula sa P8.5105 per kwh noong nakaraang buwan sa P8.4753 per kwh sa buwang ito.
Samakatwid, ang kabawasan sa buwang ito ay katumbas ng P7 sa total bill ng residential consumers na komukunsumo ng P200 kwh. Ayon kay Zaldarriaga, ang December rate ang pangalawa sa pinakamababang overall power rate sa mahigit na tatlong taon, o mula noong Setyembre 2017.
Kahit may pagkiling si PRRD sa China at Russia, nag-donate ang US Department of Defense sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ng bagong sniper at anti-improvised explosive device (IED) equipment, ayon sa US Embassy sa Maynila.
Ang donasyon (capability upgrade) ay bahagi ng P1.4 bilyong halaga ng defense articles na inilipat kamakailan sa AFP, ayon kay acting US Secretary of Defense Christopher Miller. Nakipagkita siya kina Defense Sec. Delfin Lorenzana at Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin noong Martes sa Maynila.
Sa pahayag mula sa US Embassy, binigyang-diin ni Miller ang kahalagahan ng US-Philippine Alliance para sa pambansa at pandaigdig na seguridad. Sinabi ni Miller na ang defense articles na itinurnover noong Disyembre 2 ay inilipat sa ilang special mission units ng AFP para suportahan ang modernisasyon ng AFP.
Sabi nga ng kaibigan kong sarkastiko, patuloy daw sa pagtulong ang US sa ‘Pinas kahit ipinakikita ni Mano Digong na mas BFF niya ang China at Russia. Sabad naman ni Senior jogger: “Lilipas din ang kahibangan sa China. Ang Amerika tumutulong, pero ang China kinakamkam ang teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea (WPS). Hinaharass pa ang mga mangingisdang Pinoy!
-Bert de Guzman