NANANATILI ang banta na aabot sa higit 3 degrees Celsius ang iiinit ng mundo sa pagtatapos ng siglo sa kabila ng pagbagsak ng greenhouse gas emissions dulot ng pandemya at mga pangako upang malimitahan ang polusyon, pahayag ng UN kamakailan.

Sa annual assessment of emissions levels ng UN, natuklasan ng UN’s Environment Programme na ang pitong porsiyentong pagbaba sa carbon pollution ngayong 2020 ay magkakaroon ng “negligible impact” sa pag-init ng mundo nang walang malawak at mabilis na pag-iwas mula sa fossil fuels.

Sinuri sa Emissions Gap report ang gulf sa pagitan ng aksiyong kinakailangang sa ilalim ng Paris climate deal at ang emissions cuts na plano ngayon ng mga bansa.

Natuklasan na ang “green recovery” mula sa pandemic, kung saan tumaas ang net-zero pledges, ay maaaring makatapyas ng 25 porsiyento ng emissions pagsapit ng 2030.

Magpapalapit ito sa mundo sa itinakdang limit warming na 2C bilang napagkasunduan sa Paris agreement.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Paalala ni Jesus: 'Huwag masyadong mag-alala'

Sa halos 1C ng pag-init mula noong pre-industrial times, nararanasan na ng mundo ang mas malakas at mas madalas na tagtuyot, wildfires at mas malakas na bagyo na mas mapaminsala sa pagtaas ng lebel ng karagatan.

“Obviously the world has been in lockdown. During this time we saw a 7 percent decline in emissions,” pahayag ni UNEP Executive Director Inger Andersen sa AFP.

“But we also know that the answer is not to lock up the world and have 1.9 billion children out of school.”

Aniya, ipinakita sa ulat na ang green pandemic recovery “can take a huge slice out of greenhouse gas emissions and help slow climate change”.

Sinabi ng UNEP noong nakaraang taon, na kinakailangang bumaba ang emission ng 7.6 porsiyento kada taon hanggang 2030 upang mapanatili sa takbo ang maambisyong Paris temperature goal na 1.5C.

Bagamat makikita na mas malaki ang ibinaba ng emission ngayong 2020 kumpara sa kinakailangan, kapalit naman ito ng sapilitang pagbagal ng industriya, paglalakbay at manufacturing.

Nangangamba ang mga eksperto na hindi maiiwasan ang pagkabuhay ng emission sa 2021; nitong nakaraang linggo sinabi ng UN na plano ng mga bansa na pataasin ang produksyon ng fossil fuel ng dalawang porsiyento bawat taon ngayong dekada.

Upang malimitahan sa 1.5C, sinabi nitong kailangang bumaba ang oil, gas at coal production nang 6 porsiyento kada taon.

Samantala, natuklasan din sa ulat na ang emissions noong 2019—taong inaasahan ng mga siyentista na kakatawan sa “peak” ng taunang carbon pollution—ay umabot sa 59.1 gigatonnes ng CO2 equivalent.

Kinakatawan nito ang 2.6 porsiyento pagtaas kumpara noong 2018, na itinulak ng pagtaas ng forest fires, ayon pa sa UNEP.

Dahil sa mga nabanggit, patuloy pa rin ang panganib na iiinit ang mundo ng higit 3C pagsapit ng 2100—pagtaas ng temperatura na sisira sa tahanan ng daang milyong tao dulot ng pagtaas ng karagatan, pagkabigo sa ani at pagtaas ng extreme weather tulad ng tagtuyot at bagyo.

EMISSIONS INEQUALITY

Sinasabing dahil sa pagbaba ng paglalakbay, aktibidad sa industriya at electrical generation sa panahon ng pandemya makikita ang 7 porsiyentong pagbaba ng emissions kumpara sa nakaraang taon.

Ngunit katumbas lamang ito ng 0.01C na pagkabawas ng global warming pagsapit ng 2050.

Paliwanag ng UNEP, ang isang green recovery mula sa COVID-19 ay kinakikitaan ng pagpalo ng emission sa 44 GT sa 2030 kumpara sa inaasahang 59 GT, na nagbibigay 66 porsiyentong tiyansa sa sangkatauhan na mapanatili ang pagtaas ng temperatura sa ilalim ng 2C.

Mangangailangan ito ng malawakang paglipat sa renewable energy, direktang suporta para sa zero-emission technology at infrastructure, pagbabawas ng fossil fuel subsidies, walang bagong coal plants at malawakang reforestation.

Gayunman, lumalabas na ang suporta ng pandemic recovery sa mga high pollution industries, kung saan halos isang kuwarter lamang ng G20 nations ang nangako ng aksyon para sa low-carbon measures.

Isinawalat din sa ulat ang malawak na ‘di pagkakapantay-pantay sa carbon pollution: ang 1 porsiyentong pinakamayayamang bansa ay sumasakop sa higit doble ng pinagsamang emissions ng 50 porsiyento ng mahihirap na bansa.

Sinabi ng UNEP na ang grupong ito ang kinakailangang magtapyas ng carbon footprint ng halos 30 bahagdan upang manitili sa Paris target.

Ayon kay Tim Gore, Head of Climate Policy ng Oxfam, na ipinapakita sa ulat na “practically and politically impossible to close the emissions gap if governments don’t cut the carbon footprint of the wealthy”.

AFP