Nilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang ginawang pagbisita ng mataas na opisyal ng United States sa Pilipinas kamakailan ay hindi nangangahulugan na kinakalaban nito ang ibang mga bansa, partikular na ang China.
Ito ang reaksyon ni Lorenzana kasunod na rin nang pag-aakusa ng Chinese Embassy sa Maynila kay U.S. National Security Adviser Robert O’ Brien na lumilikha ng “gulo” ang pagbisita nito sa bansa nitong nakaraang buwan.
“That is their (China’s) opinion. Tayo naman, hindi naman natin nakikitang ganoon eh. They are here to maintain their relationship with the Philippines because we have the MDT [Mutual Defense Treaty] at saka matagal na natin silang ally,” bahagi ng pahayag ni Lorenzana upang mapahinahon ang China.
Hindi aniya dapat masamain ng China ang pagbisita ni O’ Brien sa Pilipinas dahil ayaw naman nilang makialam ang ibang bansa sa ugnayan ng Beijing at Manila, lalo na kung may kinalaman ito sa maritime dispute sa West Philippine Sea.
“Ang tingin ko, ayaw nilang may nakikialam na mga foreign powers dito sa Southeast Asia,” aniya.
Nitong Nobyembre 23, nagtungo sa bansa si O’Brien, pinuno ng security adviser ng natalong si U.S. President Donald Trump, at nag-donate sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ng P868 million ($18 million) halaga ng precision-guided missiles at mga bala.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni O’Brien na sinusuportahan nito ang bansa sa patuloy nitong paggiit na pagkuha sa nasasakupang karagatan sa pinagtatalunang WPS.
“Our message is we’re going to be here, we’ve got your back, and we’re not leaving. We’re not going to be pushed out of the Indo-Pacific region. We’re going to fight for a free and open Indo-Pacific region with all our friends and partners,”
sabi ni O’Brien.
Gayunman, pinalagan ito ng Chinese Embassy at sinabing lumilikha lamang ito ng hindi pagkakaunawaan ng dalawang bansa.
-MARTIN SADONGDONG