Pinagsabihan ng chairman ng House Committee on Transportation ang Toll Regulatory Board (TRB) sa kapalpakan nito na nagresulta sa matinding gridlock sa North Luzon Expressway (NLEX).

“Ang sa akin po, kung ginagawa po ng TRB ang trabaho nila, matagal na po itong inaksyunan,” ayon kay Samar Rep. Edgar Sarmiento, chairman ng komite.

Lumala aniya ang trapiko sa NLEX dahil sa technical problems ng cashless transaction system na gumagamit ng radio-frequency identification (RFID) technology.

Ang TRB aniya ay ahensiyang nasa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) na nagre-regulate sa lahat ng toll roads sa buong bansa gayunman, hindi umano ito kumikilos upang masolusyunan sana ang problema.

Eleksyon

Gwen Garcia, pinasususpinde proklamasyon ni Pam Baricuatro sa pagkagobernador

Ang nasabing ahensya aniya ay may awtoridad ding pumasok sa mga kontrata sa ngalan ng gobyerno sa mga kompanya para sa konstruksiyon, operasyon at maintenance ng toll facilities.

Hindi rin aniya nagkulang ang kanyang komite sa pagpapaalala sa TRB na ayusin ang lahat ng isyu na may kinalaman sa RFID bago ang implementasyon ng cashless transaction system sa expressways.

Dapat aniyang pakinggan ng TRB at DOTr ang panawagan ni Speaker Lord Allan Velasco na palawigin pa ang deadline ng full implementation ng cashless toll operation sa Marso 2021.

“The RFID reader equipment for NLEX have yet to be upgraded. That information was relayed to us by no less than a representative of NLEX,” ani Sarmiento. “Kaya sabi natin, hindi pa handa ang sistema, huwag na muna pilitin,” sabi pa ng mambabatas.

-Bert de Guzman