“Kamipo ay nananawagan kay Presidente Duterte kasama ang aking pamilya at ang mamamayan ng Los Baños na umiiiyak na humihingi kami ng hustisya sa pagkamatay ng aking ama,” wika ni Aldous Perez, ang bunsong anak ng pinaslang na alkalde ng Los Baños, na kagagaling lamang sa Amerika. Si Mayor Caesar Perez ay binaril ng mga hindi pa kilalang salarin nitong nakaraang Huwebes ng gabi sa bakuran ng Municipal Hall. “Sa aking palagay,” wika ni Aldous, “na ang pagpatay sa aking ama ay may kaugnayan sa pagkakasama niya sa narcolist ni Pangulong Duterte” Si Perez ay ang huling lokal na opisyal na nasa narcolist ng Pangulo na pinaslang.
“Ako ay nalungkot sa pagkamatay ng iyong ama. Posibleng ang mayor ay hindi sangkot sa bentahan ng droga. Pero nandon ang pangalan niya. Halos na nasa listahan ay nasa droga. Maaaring hindi kabilang ang iyong ama. Kung naniniwala ka na wala siyang pagkakasala o hindi dapat managot, maganda. Ang problema, ang kanyang pangalan ay nasa listahan. Para sa lahat ng namatay, hanapin na lang ninyo ang mga pumamtay. Wala sila sa aking opisina,” wika ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kanyang tugon sa panawagan ng anak ni Mayor Perez nitong Lunes ng gabi sa pagharap niya sa publiko. Ganito rin ang kanyang tugon sa puna ng maybahay ni dating Mayor Mabilog ng Iloilo nang mabanggit niyang muli ang pangalan ng alkalde kaugnay sa droga. Nangibang-bansa ang alkalde para sa kanyang kaligtasan dahil, ayon sa Pangulo, kasama siya sa narcolist. Kaya, sa paglabas niya sa bansa tinanggal siya sa puwesto. Ang kanyang pagkakatanggal ay kapasiyan ng Ombudsman, paliwanag pa niya.
Dumidistansiya na ang Pangulo. Bukod sa sinabi niyang wala sa kanyang tanggapan ang pumapatay ng mga nasa narcolist, hindi, aniya, sa kanya nagmula ang mga pangalan na nasa nasabing listahan. “Ang listahan ay hindi akin. Ito ay mga pinagsamang intelligence reports galing sa drug enforcement at intelligence ng militar at pulis,” wika ng Pangulo. Bakit ngayon lang siya nangangatwiran? Noon kasagsagang pinaiiral niya ang war on drugs, marami na ang pinatay na mga pulitiko at sibilyan, at may tinanggal pa sa serbisyo na mga heneral ng pulis na pawang nasa narcolist, wala siyang ganitong sinabi. Eh itong narcolist ang kanyang ginamit nang pinagre-report niya ang ilang mga hukom kay Sen. Bato dela Rosa na noon ay PNP chief para magpaliwanag. Nang ipagtanggol ni dating Chief Justice Lourdes Sereno ng Korte Suprema ang mga hukom na umano ay nasa narcolist, at pinayuhan niya ang mga ito na sumunod lamang kung may warrant of arrest, eh nagalit ang Pangulo. Kaya, naging dahilan ito upang kahit sa anong paraan ay napatalsik siya sa puwesto.
Sa loob ng piitan na sapilitang pinasok ng mga pulis, pinagbabaril si Mayor Espinosa habang ito ay nakakulong. Sinalakay ng mga pulis ang tahanan ng mayor ng Ozamis at pinagbabaril ang mga kasama nito. Ang dalawang alkalde ay nasa narcolist ng Pangulo. Bago pinaslang si Mayor Perez, pinatay si Mayor Halili ng Tanauan Batangas, na tulad ni Perez, si Halili ay nasa narcolist. Noong nakaraang local elections, inilabas ni Pangulong Digong ang narcolist at nagpahayag na may mga pulitikong nakalista rito. Kaya, hindi nakagalaw ang mga pulitiko kundi manahimik at tulungan ang mga kandidato ng Pangulo sa takot na masira ang kanilang pangalan o kaya ay mapatay. Kung gawa ng iba ang narcolist at hindi sa kanya nanggaling ang mga pangalang nandidito, eh tsismis ito. Bakit patuloy niyang ginagamit ito? Nang dumistansya ang Pangulo sa kaso nina Perez at Mabilog at kanyang ipahayag na magreresign kapag may nagpatotoo na tumanggap siya ng suhol kahit isang sentimo, lumindol ng 6.4 magnitude sa Sorsogon.
-Ric Valmonte