SA dinami-rami ng mga ipinagbabawal na nakasanayan nang gawin ng mga tao, upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19 at matapos na ang kasalukuyang pandemiya sa buong mundo, isa lang ang nararamdaman ko na sasalubungin ng kunot ng noo at malakas na palatak ng ating mga kababayan.
Sa palagay ko, mahihirapan ang ating awtoridad na pasunurin ang mga Pinoy, na itigil muna ang pagbirit ng paborito nilang awitin ngayong Kapaskuhan!
Ikaw, ito ang direktang tanong ko: “Kaya ba ng dibdib mo na ‘di kumanta sa loob ng maghapon, lalo na kapag may videoke o karaoke, sa gitna ng isang masayang salu-salo sa harap ng magarbong hapagkainan?”
Matindi kasi itong inilabas na paalala ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III para sa ating mga kababayan: “Iwasan muna ang pagkanta sa karaoke ngayong Pasko at Bagong Taon dahil may mataas na peligro ito sa COVID-19 transmission!”
Parang ang hirap ‘di ba? Sanay kasi tayong mga Pinoy na ang kasayahan ay kakambal palagi ng ating pagkakantahan, kahit na sumasabit pa ang nota sa lalamunan sa ating pagbirit!
Kesa mag-karaoke ngayong kapaskuhan, ay hinimok ni Secretary Duque III ang mga mamamayang Pilipino na gamitin na lamang ang mahalagang mga oras na ito upang makipag-bonding – sa pamamagitan ng kuwentuhan at makabuluhang usapan na pampamilya – sa ating mga kamag-anakan, lalo na sa mga senior na nating mga magulang.
Ani Secretary Duque: “Hinihiling ko po sa inyong lahat na iwasan muna natin ngayong Kapaskuhan ang mga karaoke parties at mga malalaking salu-salo para tuluyang makaiwas sa virus at mapigilan ang lalong pagkalat nito. Munting sakripisyo lang po ito para sa kaligtasan natin sa pagdiriwang ngayong Pasko.”
Paalala ni Duque, dapat lang na gawin nating simple, pero makahulugan ang ating pagdiriwang ng Pasko, gaya ng kapanganakan ng ating tagapagligtas sa isang sabsaban at hindi sa isang magarbong ospital.
Ang naging batayan ng kautusang ito ng DoH ay ang resulta ng pagsasaliksik na inilabas ng Aerosol Science and Technology Journal na nagpapakita na: “Loud singing increases viral particle spread by 448% compared to normal talking.”
Ani Duque: “Kung tayo ay nagsasalita, meron pa tayong nae-emit na respiratory droplets. Mas marami ito kung tayo ay kumakanta o sumisigaw kaya po inirerekomenda namin na iwasan muna ang pagkakaraoke ngayong Kapaskuhan.”
Kasabay ng panawagang ito ng DoH sa mga LGUs ay ang maghigpit na pagpapatupad din ng pagsusuot ng face mask at face shield sa mga pampublikong lugar at establisimento. Huwag ding kalimutan ang regular na paghuhugas ng kamay, at ang social distancing, upang makatulong sa ‘di na pagkalat ng COVID-19.
“For a change, let us opt to have a solemn celebration with joyful Christmas songs from our favorite artists played on radios or online music platforms,” pakiusap ni Duque.
Naisip ko tuloy na marahil ay mas bentahe pa rin ang marunong kang tumugtog ng kahit anong musical instrument – gaya ko na ang pagsu-sulindro(harmonica) ay pampa-alis stress at pampatay oras – para kapag bawal ang kantahan, siguro naman, pwede magtugtugan na lang basta may social distancing!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.