DETERMINADO at focus ang aspiring singer at aktor na si John Gabriel na tuluyang pasukin ang magulo at masayang mundo ng showbiz industry. Siya ang bagong talent ng beteranong manager na si Daddie Wowie Roxas na mas kilalang nakadiscover noon kay Isko Moreno (Francisco Domagoso) na isa nang kagalang galang na mayor ng Maynila.
Nakausap ng Balita si John Gabriel via Zoom. Handang handa raw siya sa larangang pinasok niya. Sey niya, “Super ready ako. Actually sir kahit ready na ako nagreready pa po ako lalo for further expectation sa showbiz.”
Passion ni John ang singing na noong highschool ay naging member siya ng isang rock band. Naging bahista at second vocalist. Nakahiligan din niya ang hip hop na tito niya ang nag-influence sa kanya. Bukod doon nagbe-beat box at pumapalo rin siya ng drums.
Aminado si John na ang mom niya ang nagpush sa kanya para unti unting tahakin ang pagiging artista. Kaya go sa mga auditions kasama ang mom niya. Unti-unti nagugustuhan na raw ni John ang ginagawa niyang pag-o-audition. Ang hindi raw niya makakalimutan ay noong sumali siya sa Mr. Pogi ng Eat Bulaga. During rehearsal daw bigla na lang siyang umiyak dahil habang nasa stage daw siya hindi raw niya makita ang nanay niya kaya hinanap daw niya ito. Ang ending, tuluyan nang nag-back-out si John. “Kasi hindi ko pa po build ang confidence ko noon ‘di ba? Sobrang dependent pa ako sa mga magulang ko noong mga time na iyon,” paliwanag ni John.
Na-try din ni John ang mag-pageant sa hindi inaasahang pagkakataon. Dahil instead of Battle of the Bands ang sinalihan niya kundi pageant ang kanyang napuntahan. Mali raw kasi ang ibinigay na form ng isang organizer na agad niyang sinulatan. Hindi na rin masama dahil naging first runner-up siya ng Mr. Teen Shopalooza ng Marikina River Banks.
Ngayong may bagong kanta si John na O Pilipina at likha ni Bryant Aunor ay pumapalo na ito sa radio station ng Barangay LS 97.1FM. Sa katunayan nasa top 4 na most requested song ang kanyang awitin. Ano naman ang kanyang reaction dito? “Masayang masaya po ako kasi pag-uwi ko galing ng gym. Nagulat ako na kasama yung kanta ko sa Top 5. Nagulat din sila mommy. Super happy po ako,” tugon ni John. Bago pa ng O Pilipina may lumabas nang awitin si John at ito ay ang Pakboy. Right now pagpapaganda ng katawan sa gym ang pinagkakaabalahan ni John. Ngayong pandemya nagkaroon daw siya ng more time at bonding sa family niya na kanyang inspirasyon sa pagpasok sa showbiz.
Kahit daw nasa showbiz na si John pagsusumikapan pa rin daw niyang makatapos ng pag-aaral dahil nasa second year college na siya ng kursong Tourism Management. Wala muna raw siyang lovelife sa ngayon dahil naka-focus siya sa sarili niya at sa kanyang career. Sobrang crush daw niya sa showbiz ay si Kyline Alcantara at gusto niyang awitan ito ng kanta niyang “O Pilipina.” Given a chance kung magiging leading lady niya si Kyline sa isang teleserye or movie hindi raw siya magdadalawang isip tanggapin ang project agad agad. Well nabighani raw si John sa angking talinong meron si Kyline bukod pa sa magaling na aktres sobrang cute pa raw nito. Idol naman ni John sila Justine Bieber at si Daniel Padilla.
Kung may offer daw sa kanya na gumawa ng usung uso na Boys Love Series, tatanggapin daw niya ito at sa mga mapangahas na eksena handa raw siya basta nasa story at kinakailangan. Pero nasa manager pa rin daw niya ang huling desisyon.
By the way, kasama si John sa upcoming movie nila Ken Chan at Rita Daniela na My First and Forever na gawa ng Heaven’s Best Entertainment at sa direksyon ni Louie Ignacio. Ginampanan ni John dito bilang isa sa mga barkada ni Ken Chan. Giit ni John hanggat maaari gusto raw niyang pagsabayin ang singing at acting career dahil pareho raw niya itong hilig. Yun na!
-DANTE A. LAGANA