Natitiyak ko na hindi lamang si Pangulong Duterte ang halos hindi na natutulog dahil sa paghihintay ng bakuna laban sa COVID-19 kundi maging ang sambayanang Pilipino na hanggang ngayon ay ginigiyagis ng naturang nakamamatay na mikrobyo. Tulad ng lagi niyang ipinahihiwatig, ang nasabing bakuna na maaaring mabili sa China, Russia at sa iba pang bansa sa Europe ang makapapawi sa matinding banta ng pandemya na laganap sa halos lahat ng panig ng mundo.
Hindi maliit na halaga ang kakailanganin sa pagbili ng anti-coronavirus vaccine, lalo na kung iisipin na mahigit na 100 milyong mga kababayan natin ang dapat bakunahan. Subalit tiniyak ng Pangulo na gagawin niya ang lahat upang matugunan ang nakalululang pondo para sa nasabing gamot. Katunayan, naisabatas na ang ilang panukala na naglalaan ng pantustos sa pagsugpo ng nakakikilabot na karamdaman. Minsang nasabi ng Pangulo na sukdulang maibenta ang ilang ari-arian ng gobyerno, mabili lamang ang kailangang anti-Covid vaccine.
Wala pang katiyakan, kung sabagay, kung kailan at kung saang bansa manggaling ang bibilhin nating bakuna. Tila sinusuri at tinitimbang pa ng ating Food and Drug administration (FDA) ang kalidad ng bibilhin nating gamot. Ganito rin, sa aking pagkakaalam, ang ginagawa ng iba’t ibang bansa na pawang nagkukumahog sa pagbili ng nasabing bakuna para sa kani-kanilang mga mamamayan.
Kasabay naman nito ang pag-uunahan at mistulang pagpapaligsahan ng ating mga kababayan, lalo na ng ilang opisyal ng ating pamahalaan sa pagpapabakuna; nais marahil nilang patunayan na ang mabibili nating anti-coronavirus vaccine ay tunay na epektibo laban sa nasabing sakit.
Magugunita na sa gitna ng matinding banta ng COVID-19 pandemic, kumilos ang mga siyentista ng iba’t ibang bansa sa daigdig sa pagtuklas ng bakuna laban nga sa nabanggit na nakakikilabot na mikrobyo. Katunayan, palaging nagiging tema ng mga panalangin ng iba’t ibang sekta ng pananampalataya na nawa’y matuklasan ng ating mga dalubhasa sa agham ang epekto ng anti-virus vaccine. Tulad ng kanilag ginawa sa pagtuklas ng anti-polio, anti-flu, anti-tetanus, anti-rabbies vaccines. Ang gayong mga pagsusuri ay napatunayang mabisa, ligtas, at nakatugon sa lahat ng pamantayan.
Bagama’t lumilitaw na tapos na at napatunayang epektibo ang bakuna na natuklasan ng mga dalubhasang siyentista, hindi marahil kalabisan na minsan pang sulyapan, wika nga, ang tunay na kalidad ng bibilhin nating anti-COVID vaccine. Nakasalalay sa mandato ng FDAang maselang misyong ito.
Marapat na tayo ay maging maingat sa pagmamadali. Hindi ba ganito ang nais bigyang-diin ng isang kawikaang Ingles: Haste makes waste?
-Celo Lagmay