Nakiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya ng napatay na alkalde ng Los Baños na si Caesar Perez ngunit dumistansiya mula sa kanyang pagsasama sa listahan ng mga pulitiko na sinasabing sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Ipinaliwanag ng Pangulo na talagang ang mga tagapagpatupad ng batas ng bansa ang naglagay kay Perez sa listahan ng mga hinihinalang politiko na nauugnay sa droga, at binasa lamang niya ang listahan upang ipaalam sa publiko.

“Sagutin ko itong pamilya ni --- kasi nanawagan sila sa ano. Iyong mga anak ni Perez. First of all, I’m sorry that your father died the way it happened,” sinabi ni Duterte sa kanyang televised address nitong Lunes ng gabi. “Pero kung sabihin mong may...iyang listahan na ‘yan hindi akin ‘yan. It’s a collation, lahat-lahat na ‘yan sa intelligence report sa mga drug enforcement at sa intelligence ng military, police. It’s a combination,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Duterte na hindi niya kilala si Perez at hindi niya matandaan na binasa ang pangalan nitonmula sa listahan.

National

VP Sara, suportado batas kontra ‘anti-dynasty:’ Ako yung pinakamagaling sa political dynasty!

“Hindi ko kilala ‘yung tatay ninyo. Hindi ko nga nabasa. I don’t remember. Well, iyong cursory reading lang pero wala akong minemorize na mga tao doon sa listahan,” aniya. Sinabi ni Duterte na inilahad niya ang listahan ng mga hinihinalang opisyal na nauugnay sa droga “as a matter of duty of a President” na ipagbigay-alam sa publiko “so that they can prevent, obstruct or just simply shy away” sa mga taong ito bago ang 2019 elections. Gayunman, sinabi ni Duterte na si Perez ay maaaring maging isang “exception” kung naniniwala ang pamilya nitonsa kanyang pagiging inosente.

“But the problem his name umabot doon sa listahan...You will just have to look for the killers,” aniya.

Si Perez ay binaril ng mga armadong lalaki sa loob ng munisipyo ng Los Baños, Laguna noong Disyembre 3. Isinugod siya sa ospital kung saan siya idineklarang patay. Siya ay 66-anyos.

Umapela ang pamilya ni Perez sa Pangulo na tulungan silang mapanagot ang mga salarin.

-Genalyn Kabiling