Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Francisco Duque III na maghanap ng mga paraan upang makapagbigay ng libreng COVID-19 tests sa mga Pilipino, binibigyang diin kung gaano kahalaga ang pagsusuri sa paglaban sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa kanyang pampublikong pahayag na ipinalabas noong Lunes ng gabi, sinabi ni Pangulong Duterte na napagtanto niya na ang testing ay mahalaga sa pagkontrol ng pagkalat ng sakit ngunit ang problema ay napakamahal nito.
“Alam mo ang importante pala, sa totoo lang, and I realize now, it’s the testing,” wika niya.
“Kasi mahal, I’m trying to figure out a cheaper way of doing it and I will discuss it with the Secretary of Health and [Vaccine Czar] General [Carlito] Galvez, how to come up with a cheaper swabbing and testing kasi magbayad ka mahal lalo na sa airport,” dagdag niya.
Hiniling ni Duterte kay Duque na maghanap ng mga paraan kung paano maisasagawa ng gobyerno ang testing nang walang tulong ng mga pribadong laboratoryo.
“Is there a way that we can spend for all of this testing? That it is actually, to me, the sacred duty of government to protect its citizens,” aniya.
“Tingnan ko kung may pera at magbili na lang tayo and in all government hospitals or in health centers, maibigay natin libre. Free of charge,” dagdag niya.
“Target the first or second quarter if you can have a program where I can review and look for the money,” sabi pa niya.
-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS