MATINDI ang dagok ng COVID-19 pandemic sa Professional sports, higit sa atleta na nakabatay ang kabuhayan sa bawat laban, gayundin sa mga boxers at combat fighters na dasal ang makasampa sa ruweda.
Ngunit, nagkakaisa ang boxing promoters, managers, trainers, atleta at stakeholders sa pro sports na naging madali ang pagbangon dahil sa mabilis na pagtugon ng pamahalaan -- sa pamamagitan ng Games and Amusements Board (GAB) – sa kanilang pangangailangan.
IIsang boses ang lahat ng sports stakeholders mula sa pinakamalaking pangalan sa sports hanggang sa pinakamaliit na empleyado sa horse-racing at sabungan para papurihan ang liderato ng GAB, sa pamumuno ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, sa ayuda at agapay sa panahong sadsad ang lahat sa dusa.
“Kudos sa GAB, kay Chairman Baham Mitra, kina Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid. Talagang hard-working sila, kahit sa pandemic andyan sila at hindi pinabayaan ang boxing at lahat ng pro sports.” pahayag ni dating two-division world champion at ngayo’y boxing promoter Gerry Penalosa sa media interview matapos magbigay ng mensahe sa isinagawang 2nd Professional Sports Summit (virtual edition) nitong Sabado via Zoom at livestreaming sa GAB Facebook.
“Talagang nilapitan ni Chairman ang lahat, pati sponsors para makabalik na sa boxing ang mga fighters. Nangako na nga siya na mag-ho-host na rin ng sariling promotions para mabigyan lang ng kabuhayan ang mga atleta,” sambit ni Penalosa.
Inamin din nina billiards legend Efren ‘Bata’ Reyes at Francisco ‘Django’ Bustamante, gayundin ni Asia’s first chess Grandmaster Eugene Torre na nawalan ng hanap-buhay at pagkakakitaan ang pro athletes, higit yaong nakabatay lamang ang kabuhayan sa bawat torneo, ngunit, naging magaan ang lahat sa suporta ng GAB.
“Walang tournament. Hindi kami makabiyahe sa abroad para maglaro. Yung iba, kumikita na lang sa exhibition game sa patawag ni Mayor. Sa pagbabalik ng pro sports kahit sa bubble, malaking bagay ito,” sambit ni Reyes, tinaguriang ‘The Magician’ at hall-of-famer sa billiards.
Kinatigan ito ni Bustamante na umaani ng biyaya sa mga laban sa Amerika at Middle East.
“Naipit din kami sa US dahil sa quarantine, pagbalik sa Pilipinas, walang tournament. Yung mga imbitasyon sa probinsiya sinasamahan namin ng konting pustahan para kumite,” pahayag ni Django.
Iginiit naman ni Torre na ang malinaw at matatag na programa ng GAB ang naging dahilan para mag-professional na rin ang chess, gayundin ang iba pang liga tulad ng Chooks-to-Go 3x3, NBL, WNBL at PSL.
“The Professional Sports Summit exceeded our expectations. During the start of the year when the pandemic started, the future of Sports was very dark and with no hope in sight.
“This year has been more than fruitful for the agency and we have been able to achieve so much with the help of our stakeholders, media friends, government agencies who helped us push for sports resumption to continue to provide livelihood to the ProSports industry and the Filipino fans, with or without the pandemic, who continue to provide their love and support to the industry,” pahayag ni Mitra.
Sa naturang Summit, nagbigay din ng mensahe at pangako ng suporta sina Senators Sonny Angara, Joel Villanueva at Bong Go, gayundin ang pamunuan ng World Boxing Council, sa pamumuno ni Mauricio Sulaiman at WBC Cares Jill Diamond.
-EDWIN ROLLON