PINANGUNAHAN kamakailan ni Pangulong Duterte ang pagsunog at pagsira sa mga nakumpiskang umano ay mga ilegal na droga sa Cavite. Nauna rito, nagkaroon ng maigsing programa kung saan nagtalumpati ang Pangulo. Pagkatapos niyang basahin ang nakasulat niyang talumpati, nagpatuloy siya sa kanyang sariling wika. Eh ano pa ang maaasahang sasabihin niya kundi iyong paulit-ulit na sinabi niya noon pa hinggil sa epekto ng droga na sumisira sa pamilya at mga kabataan. Inulit niya ang noon pa ay payo niya sa mga awtoridad na, matagal nang ginagawa ng mga pulis, na kapag nanlaban o akma pa lang na lalaban ang kanilang hinuhuli na mga sangkot sa droga, ay patayin na nila ang mga ito. Responsibilidad at sagot niya, aniya ito.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas pagkatapos niyang sabihin ito, pinatay si Los Baños Mayor Caesar Perez. Eh si mayor pala ay nasa narcolist, pero sa kabila nito, nagwagi pa rin siya noong nakaraang local election. Pero, ang hindi pinalad na kasama rin sa narcolist ay ang kanyang kapatid na si Roel. Noong 2018, ang alkalde ng Tanawan, Batangas na si Antonio Halili ay pinaslang din. Kasama rin siya sa narcolist.
Red-tagging naman ang naimbento ng Pangulo, bagamat ang gumagawa nito ay ang kanyang mga troll at sa hayagang paraan, ang mga militar sa pangunguna ng kanyang national security adviser at vice-chair ng National task Force to End Local Communist Armed Conflict Hermogenes Esperon. Pero, sa kanyang nakaraang pulong hinggil sa COVID-19, ang Red-tagging, aniya, ay pagtitiyak na komunista ang ni Red-tag. Mga communist front, ayon sa Pangulo, ang Makabayan Bloc, Bayan, Gabriela at iba pang nangangalap ng mga miyembro sa mga aktibista. Ang grabeng problema sa Red-tagging, tulad ng sa narcolisting, bukod sa paninira ng karangalan at reputasyon, pinapatay ang mga biktima nito. Sina former education secretary Zara Alvarez ng Karapatan human rights group at ang kanilang abogado na si Benjamin Ramos ay pinagbabaril dahil mga terorista umano sila pagkatapos ma-Red-tag. Inaresto ang iba gaya nitong huling dinakip na si Amanda Echanis kasama ang kanyang isang buwang sanggol na anak. Kapapaslang pa lang ang kanyang ama na si NDF consultant sa peace process at chair ng party list group Anakpawis Randall Echanis. Kung sa mga pinapatay na nasa narcolist, nanlaban muna ang mga ito ang ginagawang dahilan ng mga pumapatay bilang dahilan, iyong mga dinarakip na na Red-Tag, nasa kanilang pag-iingat ang mga granada at mataas na kalibreng baril para hindi sila makapagpiyansa at makalaya pansamantala.
Malapit na ang halalan kaya gumagawa na ng mga paraan si Pangulong Duterte para ang kanyang mga kandidato ang mangibabaw. Nasubok na niya ang narcolist noong local election, kaya nagawa niyang matakot ang mga pulitiko noon para suportahan ang kanyang mga kandidato. Pero, iba na ang sitwasyon ngayon. Ang tinakot niyang si Mayor Mabilog ng Iloilo, kaya nangibang bansa ito at natanggal sa puwesto, ang naiwan niyang maybahay ay lumalaban na. Nang banggitin kamakailan ng Pangulo ang pangalan ng dating alkalde kaugnay ng narcolist, wika ng maybahay nito: “Bakit Pangulo namimiss na ba ninyo si Jed? Kakaunti na lang ang ilalagi mo sa daigdig, bakit hindi ka pa magpakasaya?” Lumaban na rin ang Makabayan Bloc na nais harangin ang kandidatura ng kanilang mga party-list sa Comelec dahil na Red-tag silang komunista. Ang human rights group na Karapatan ay nagsampa ng kaso laban kina Hermogenes Espoeron Jr., Lt. Gen Antonio Parlade Jr. at mga supporter ni Pangulong Digong na sina Loraine Badoy at Mocha Uson na nagre-Red-tag sa kanila na naging sanhi ng pagkapaslang ng kanilang mga kasapi. Kinasuhan ang mga ito sa Ombudsman ng paglabag sa Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide at iba pang krimen laban sa sangkatauhan. Ang ginawa ng maybahay ni dating Mayor Mabilog, Makabayan Bloc at Karapatan ay matapang at makatarungang halimbawa ng paglaban sa kasakiman sa puwesto, pananakot at pangaapi na dapat tularan ng lahat. Lumaban at huwag matakot.
-Ric Valmonte