NAKAIINIP maghintay sa resulta ng mga sinasabing imbestigasyon ng mga tiwaling opisyal sa pamahalaan, lalo pa nga’t ang mga ito ay kaalyado at kaibigang karnal ng mga naghaharing-uri sa kasalukuyang administrasyon.
Mahirap na mapaniwalaan ang sinasabing kampaniyang ito ng pamahalaan, na kamakailan lamang ay ipinagmamalaki mismo ni Pangulong Rodrigo R. Duterte -- na ‘di niya tatantanan hanggang sa mga huling araw niya sa Palasyo ng Malacañang.
Sang-ayon ako sa mga kuru-kurong ito na aking narinig sa loob ng paborito kong barber shop sa Cubao, Quezon City – na namamarali pa rin ang pagsunod sa “social distancing” dahil sa pandemiyang COVID-19 habang nagkukulitan – kung saan nagpapalitan ng pananaw ang mga magpapagupit habang naghihintay na sila ay isalang sa upuan.
Uminit ang usapan nang mapunta sa isang gobernador sa Central Luzon, na naakusahan at pinag-usapan sa social media, na inabandona ang kanyang nasasakupan sa gitna nang matinding pamiminsala sa buong Luzon ni super Typhoon Ulysses.
Ang tanong na hinahanap nila ng kasagutan -- ay ano na ang ginawa ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año sa kapalpakan ng gobernador na ito. Lalo pa’t lumitaw sa mga larawan sa social media na nagpapasarap ito sa sinasabing “two-day conference” kasama ang 15 mga seksing starlet na wala naman sa plantilla sa nasabing lalawigan.
Dahil sa 15 seksing “starlet” ay tila nakalimutan ni Gobernor at mga tauhan nito ang importansiya ng “early warning ng PAGASA” at itinuloy pa rin ang kanilang “conference” kuno.
Kitang-kita sa mga nai-post na larawan ang ‘di pagsunod ni gobernor at 70 alipores nito sa “social distancing” na dapat ay ipinasusunod dahil sa matindi pa rin ang pananalasa ng COVID-19 lalo na sa kanyang nasasakupan.
Isa sa magpapagupit ay may kamag-anak pala sa naturang lalawigan kaya’t ito ang hinagpis niya: “Nakapanlalambot ng kalamnan ang ginawa ni gobernor, imbes na pakatutukan ang nasasakupan sa banta ng paparating na super bagyo, ang inaasikaso ay ang magpasarap kasama ang kanyang mga opisyales at mga seksing chicks na starlet.” Panunuyang dugtong pa nito: “Mukhang habang binabayo ng bagyo ang aming lalawigan, iba naman ang kanilang binabayo sa naturang “conference” kuno!”
Mas matindi naman ang pananaw ni Tatang -- tingin ko ay kalbo na pero tila nakapila pa rin kasama ng mga magpapagupit – na todo kumpas habang sinasabi ito: “Imoralidad sa tingin ko dahil lumilitaw na ‘di naman opisyal ang lakad ng mga ito. Ito ang dapat na paimbestigahan ni DILG Secretary Año. Hindi naman mahalaga ang kanilang pagpupulong at lumalabas na outing ito upang magpakasarap sa pagligo sa pool kasama ang kanilang mga chicks.”
Hindi nagpatalo ang aking barbero na si Ka Dencio. Ibinaba muna ang suklay at gunting sabay sabi ng ganito: “Ang tanong – pera ba ng bayan ang ginastos ni gobernor sa pagpapasarap nilang ito habang sinasalanta ng bagyo ang buong lalawigan?”
Dugtong pa niya: “Aba’y kung totoo ang narinig ko, na umaabot sa P1.2M hanggang P1.6 ang perang nagastos, mula sa billeting na nagkakahalaga ng P17,000 hanggang P39,000 bawat isa na umokupa ng kuwarto (deluxe suite at presidential suite, pagkain, panggasolina ), may dapat na makalaboso rito.
Tapos na akong gupitan, swerti naman at ‘di natabas ang aking tenga, kaya bago ako tumayo ng barber’s chair ay ito naman ang hirit ko: “Mga apo, ika nga ni Mayor Erap – weder-weder lang ‘yan!”
Pahabol ko pa: “Kaya nga tiis lang kayo kasi ‘yan ang mga uri ng taong ibinoto n’yo. ‘Di komo sikat sa entablado ay p’wede ng maging pulitiko at magsilbi sa tao!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.