TUTOL pa rin ang mga alkalde na bumubuo sa Metro Manila Council (MMC) at ang Department of Health (DoH) na papasukin sa mga mall ang mga menor de edad o bata.
Noong una, inihayag ng Department of Interior and Local Government (DILG) na maaari nang payagan ang mga minor sa mga mall kapag kasama ang kanilang mga magulang.
Salungat si Health Sec. Francisco Duque III na payagang lumabas ang mga bata dahil sila ay nanganganib na tamaan ng COVID-19. “Nananatili ang aming posisyon sa bagay na ito. Hangga’t maaari ay dini-discourage namin ito (pagpayag sa paglabas ng mga menor de edad.)”.
Ayon kay Duque, tatlo hanggang limang porsiyento ng total COVID-19 cases sa bansa ay sangkot ang mga bata. Dahil dito aniya, hindi sila exempted sa virus. Naniniwala siya na ang mga bata ay “super spreader” ng coronavirus dahil sila ay asymptomatic sapagkat malalakas ang katawan at malakas ang immune system. Gayunman, sila ay nakapanghahawa sa iba.
Alam ba ninyong ang Pilipinas at iba pang mga bansa na nasa northern hemisphere ay makararanas ng pinakamahabang gabi sa taong ito sa Disyembre 21 o winter solstice? Ang solstice winter ay nagaganap kapag ang mundo ay umabot sa maximum tilt o ikot nito sa kanyang axis malayo sa araw.
Ayon sa PAGASA, magiging mahaba ang mga gabi sa Pilipinas kaysa araw. Nakukumpleto na ng mundo (Earth) ang taunang circuit o pag-inog nito sa paligid ng araw. “The astronomical event signals the onset of winter in the northern hemisphere and summer in southern hemisphere,” sabi ng PAGASA.
Taun-taon tuwing Kapaskuhan, tradisyonal sa mga Pilipino ang pagdalo at pakikinig ng misa sa loob ng siyam na gabi o ang tinatawag Simbang Gabi. Pero dahil umiiral ngayon ang COVID-19 pandemic, mukhang hindi maidaraos ang Simbang Gabi na tulad ng dati.
Dahil dito, gumagawa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ng mga paraan upang mapalapit ang Simbang Gabi sa mga tao. Papayagan ng CBCP ang pagdaraos ng pre-dawn masses sa labas ng simbahan upang mapagkasya ang mga dadalo sa siyam na araw na misa.
Sinabi ni Fr. Jerome Secillano, executive secretaryng CBCP committee on public affairs, maaaring magdaos ng mga misa sa basketball courts o gymnasiums. Sa pamamagitan nito, maiiwas ang mga tao o mananampalataya na magkahawahan.
Samantala, inatasan ni CBCP president at Davao Bishop Romulo Valles ang mga kura paroko o at obispo na makipag-ugnayan sa local government units (LGUs) sa kani-kanilang lugar para sa schedule ng Simbang Gabi sa mas malalaki at maluluwang na lugar upang mapagkasya ang mga tao.
Sinabi ni Valles na ang Simbang Gabi ay maaaring isagawa nang mas maaga o alas-6 ng umaga sa halip ng hatinggabi o madaling-araw, at alas-6 ng gabi upang hindi mahirapan ang mga tao at nang makapagdaos pa rin ng maraming Eucharistic celebrations bago mag-Pasko.
-Bert de Guzman