HINDI pipilitin ang mga Pilipino na mabakunahan laban sa coronavirus disease (COVID-19) sa puntong maging available na ang bakuna sa bansa, pahayag ng isang opisyal ng Food and Drug Administration (FDA) kamakailan.

Ito ay reaksyon ni FDA Director General Eric Domingo sa ilang social media post na nanghihikayat sa mga Pilipino na huwag tumanggap ng anumang Covid-19 vaccine sa kitna ng isyu ng kaligtasan dahil sa mabilis nitong pagka-develop.

“Wala naman po talagang pwedeng pilitin para bakunahan. Hindi po kayo pwedeng pilitin at hindi po tayo pwedeng sapilitan, kapag tayo ay nagpabakuna kailangan naiintindihan natin kumpleto kung ano ang benepisyo at adverse events, side effects o risks nito,” ani Domingo sa isang virtual media forum.

Upang matulungan ang publiko na makapagdesisyon, ibinahagi ni Domingo na nagpaplano na ang Department of Health (DoH) ng isang education campaign na magpapaliwanag sa layunin, benepisyo, at panganib ng bakuna laban sa COVID-19.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“We would like to assure the public we take it very seriously. We will make sure that the benefits will outweigh the risk more than anything before giving the emergency use authorization for any vaccine,” aniya.

Nitong Miyerkules, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 121 na nagpapahintulot kay Domingo na maglabas ng emergency use authorization (EUA) para sa Covid-19 drug at vaccine makers.

Ayon kay Domingo, ang pharmaceutical firm Pfizer, US biotech firm Moderna, Sinovac, at Sinofarm ang maaaring mauna sa pag-aaplay sa bansa para sa EUA lalo’t sila ang may katulad na awtorisasyon mula sa ibang mga bansa.

Sakaling maaprubahan at maipamahagi ang COVID-19 vaccine sa bansa, sinabi ni Domingo na magpapatupad ang DoH at FDA ng mahigpit na post-authorization monitoring sa mga taong tumanggap ng bakuna.

“Nang ang adverse events ay ma-monitor at gayundin, makikipagugnayan tayo sa FDA ng ibang bansa na gumagamit ng bakunang ito para makapag-share tayo ng information at malaman natin kung mayroon tayong dapat imbestigahan,” dagdag pa niya.

PNA