SELYADO na puwesto sa Hall-of- Fame sina Filipino amateur boxers at Olympic medalists Leopoldo Serantes at ang magkapatid na Roel at Mansueto Velasco Jr.
Kabilang ang tatlo sa napili sa mga nominado na iluluklok sa Philippine Sports Hall of Fame (PSHOF) sa susunod na taon, ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez.
Kasunod ito ng ginawang pag-adopt ng PSHOF Review Committee sa resolusyon na awtomatikong nagbibigay ng awtomatikong pagpasok sa listahan ng mga inductees ng mga Olympic medalists ng bansa.
“Achieving a medal from the most prestigious games in history is something worth recognizing for a lifetime. They deserve it even without the process of someone voluntarily proving it for them,” ani Ramirez patungkol sa tatlong dating mga light flyweight bets.
Ang ngayo’y 58-anyos nang si Serantes ay nagwagi ng bronze medal noong 1988 Seoul Olympics kung saan nabigo kay eventual gold medalist Ivailo Hristov ng Bulgaria sa semifinals.
Ang nasabing panalo ni Serantes ang tumapos sa 24 na taong Olympic medal drought ng bansa muliia ng magwagi si Hall of Fame inductee Anthony Villanueva ng silver medal noong 1964.
Apat na taon, pagkalipas noon ay nagwagi din ng bronze medal para sa bansa si Roel Velasco sa 1992 Barcelona Olympics, habang nagwagi ang nakababatang kapatid na si Mansueto o mas kilala bilang si Onyok nang manalo ito ng silver medal sa 1996 Atlanta Olympics.
May kabuuang 37 mga dating atleta na ang naluklok sa PSHOF mula ng maitatag ito sa bisa ng Republic Act 8757 noong 2010. Ang nominasyon para sa ika-4 na batch ng PSHOF ay extended hanggang Enero 31, 2021.
-Marivic Awitan