ANO ang kaganapan at pagbabago sa professional sports sa tinaguriang ‘new normal’?
Tunghayan at kapulutan ng kaalaman sa estado at pagbabalik ng mga aksiyon sa pro sports sa isasagawang second (virtual) Professional Sports Summit ng Games and Amusements Board (GAB) ngayon via Zoom at Google.
Pangungunahan ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang maghapong programa, kasama sina Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid, simula 9:00 ng umaga.
Hindi maikakaila na kabilang ang pro sports sa sektor na nalugmok nang magpatupad ng lockdown sa buong bansa para maabatan ang COVID-19 pandemic. Sa unti-unting paghupa ng pandemya, kagyat na kumilos ang GAB, sa pakikipagtulungan sa Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Health (DOH) upang makabuo ng Joint Administrative Order 2000-0001 bilang ‘Guidelines on the Conduct of Health - Enhancing Physical Activities and Sports during the COVID-19’.
Ang JAO ang nagsilbing batayan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF) para payagan ang unti-unting pagbabalik ng ensayo at kalaunan’y mga laro sa basketball, football, boxing, combat sports, horse-racing gayundin ang sabong.
Sa pangangasiwa ng GAB at pagtalima sa mahigpit na ‘safety and health’ protocol ng IAATF, nakapagsagawa ng ‘bubble’ tournament ang Philippine Basketball Association (PBA), Philippine Football League (PFL), bagong tatag na Chooks –To-Go 3x3 Championship at nabuksan na rin ang malalaking karerahan sa bansa.
Bukod sa liderato ng GAB, inimbitahan ding na magbigay ng kanilang mensahe para sa mga atleta at lahat ng stakeholders sa pro sports sina Senators Bong Go, Sonny Angara at Joel Villanueva na pawang todo ang suporta sa panunumbalik sa normal ng pro sports gayundin sa progresibo ng mga programa ng GAB.
Nakatakda ring magbigay ng kanyang mensahe sina World Boxing Council (WBC) president Mauricio Sulaiman at WBC Cares chairman Jill Diamond.
Bawat isyu na may kinalaman sa mga programa at aksiyon ng GAB at sa patuloy na kaunlaran ng iba’t ibang sports ay hihimayin ng mga inimbitahang guest speakers, kabilang si chess Grandmaster Eugene Torre – nalimbag sa kasaysayan hindi lamang sa bansa bagkus sa mundo – bilang kauna-unahang chess player na nabigyan ng lisensiya ng pamahalaan bilang pro. Kabilang ang 60-anyos chess icon sa lalaro sa bagong tatag na Professional Chess Association of the Philippines (PCAP).
-Edwin G. Rollon