Nitong nakaraang Miyerkules, nagreklamo na ang alkalde ng Valenzuela na si Rex Gatchalian. Hindi namin nakita o narinig na magalit ito, o kung magalit man, marahil sinasarili niya o hindi niya publikong inihahayag ito. Pero, publikong inilabas na niya ang kanyang galit dahil sa nangyari sa kanyang nasasakupan bagamat ginawa niya pa rin ito ng mahinahon at may paggalang. Nakiusap siya sa mamamahala ng NLEX na ayusin naman at paganahin nang mahusay ang kanilang RFID system dahil gumawa ng napakahabang pila ang mga sasakyang pumapasok ng Mindanao Avenue. Maging ang mga sasakyang pumapasok ng NLEX patungong Balintawak. Dahil dito, naapektuhan ang lahat ng kalye, main road at side street, sa Valenzuela. Paano kasi sa layunin ng iba na maiwasan ang trapik, nagsilusutan kung saan-saan ang mga ito hanggang sa tuluyan na silang tumigil. Nagmistulang parking lot ng napakaraming sasakyan ang Valenzuela.
Ang ugat ng kaguluhan ay iyong hindi gumana o nagkaaberya ang RFID system. Bumara ang mga sasakyang nasa bungad na ang mga ito. Ang iba namang sasakyang gumawa ng napakahabang pila ay iyong mga nagpapalagay ng sticker. Kahit saang lugar naman ay ganito ang sitwasyon. Ang napakasama pa ay iyong RFID sa NLEX ay hindi tinatanggap sa SLEX, kaya, panibagong lagay na naman ng sticker dito.
Ginawa umano ang paraang ito ng paglalagay ng mga sticker para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Maiiwasan ang sitwasyong paglilipat-lipat ng pera sa iba’t ibang kamay. Kalokohan ito. Sa relasyon ng mga mamamayan, bentahan at bilihan na nagaganap araw-araw, oras-oras, minu-minuto, maiiwasan ba ang nais iwasan ng RFID? Sa totoo lang, may mga taong napakagaling mag-isip ng pagkakakwartahan sa sitwasyong naghihirap ang iba. At ang mga ito ay iyong nasa kanila na ang buntong-buntong kwarta, nais magkamal pa. Wala silang kabusugan. Ang pandemya ay ginagamit nilang paraan at pagkakataon para magsamantala. Tingnan ninyo, kapag nagpalagay ka ng RFID, sisingilin ka kaagad ng limang daang piso, gamitin mo man ito o hindi. Lumalabas na advance payment ito sa paggamit mo ng kalye. Libu-libong motorista ang gumagamit ng kalye. Sa bagong patakaran ngayon na sa halip na magbayad ka ng cash ay magpalagay ka ng RFID na ang paunang bayad para dito ay limang daang piso para makaraan ka. Totoo, magagamit din naman ang paunang bayad na ito, pero kapag naipon ang limang daang piso na siningil sa napakaraming motorista, napakalaking salapi ito. Ang ilagay mo lang ito sa bangko ay kikita na ng napakalaking tubo wala namang babalik sa mga motorista.
Maganda na nagreklamo ang isang halal na opisyal ng pamahalan na si Mayor Rex Gatchalian. Ang ginawa niya ay ihayag ang damdamin ng taumbayan na pinipinsala ng kung anu-anong paraan para kumita lamang ang iilan. Iba ang alkalde ng Valenzuela, matapang pero may puso sa mga dukha at naaapi. Mayaman at malikhain ang kanyang kaisipan, kaya iba’t ibang proyektong pambayan ang sumusulpot sa Valenzuela na ang nakikinabang ay ang higit na nakararami. Sa pagkakataong ito ang binibigyan niya ng higit na proteksyon at pagkalinga ay ang mga negosyo at pabrika sa Valenzuela na naperwisyo ng sistemang ito.
-Ric Valmonte