MARAHIL ay narinig mo na ang pabirong tanong na: “Anong isda ang tanga na paboritong iulam ng masang Pinoy?”
Kung alam mo ang sagot, siguradong abot mo agad pag sinabi ko na: “kaunti na lang silang mga tanga!” Pero dun sa wari’y lito pa kung ano ang ibig kong tukuyin -- ganito lang kasi ‘yun.
Ang tangang isda ay ang sardines o sardinas. Bakit kanyo – dangan kasi, pumasok sila sa lata pero iniwan ang susi sa labas! Gets n’yo na?
Noong bago manalasa ang pandemiyang COVID-19 marami ang mga “tangang isda”, pero sa loob ng 10 buwan na nakalagay sa quarantine ang halos buong bansa, mabilis silang kumaunti. Ang dating halos walo hanggang sampu na “tangang isda” sa loob ng lata ng sardinas, ay abot sa tatlo hanggang apat na piraso na lamang. May mga minamalas-malas pa nga, na pagbukas sa sardinas, ang bumulagang laman ay isa at kalahating isda lamang, na nakalutang sa mapulang sarsa ng tomato sauce.
Masarap sanang pakinggan na kaunti na lamang o nababawasan na ang mga tanga sa bansa, di ba?
Pero ibang kaso kasi ito…masakit sa tenga o masama itong balita, para sa masang Pinoy na kadalasang de-latang sardinas ang inihahain sa kanilang hapag kainan.
Bukod pa rito kasi, ang dating presyo na pang-tingian -- mula sa P10 hanggang P12 kada lata na 155 grams – noong bago manalasa ang pandemiyang COVID-19 ay pumalo na ngayon sa P20 hanggang P23. Mantakin n’yo naman, nabawasan na ang laman, pero sa halip na bumaba ang presyo ay tumaas pa ito ng halos doble.
Kami nga rin ng mga alaga kong “pusakal” – mga pusang kalye na-rescue ko habang pakalat-kalat sa mga lansangan – ay apektado rin dahil puro sabaw na lamang halos ang laman ng inihahain kong paborito nilang pagkain. Sinabi kong kami, dahil mahilig din ako sa sardinas – ulam kapag iginisa sa luya at bawang, palaman sa tinapay, at pangsahog sa mga gulay.
Ano kaya sa palagay n’yo, nagsasamantala lamang ang ilang negosyante dahil ang sardinas ang isa sa pinakamabiling de-lata ngayon sa bansa – madalas kasi itong laman ng mga relief goods para sa mga nangangailangan nating kababayan – o baka naman nagkataon lang dahil apektado rin ng COVID-19 ang operasyon ng kanilang negosyo?
Sa palagay ko, para makabawi sa pagkalugi, ang gimik na naisip ng mga negosyanteng ito – ay magtaas ng presyo at bawasan ang mga “tangang isda” sa kanilang produkto na de-lata ng sardinas! Resulta – doble-dobleng kita para sa kanila, habang parusa naman ito sa naghihirap nating mga kababayan.
Ang pagbubukas na lamang ng de-lata ng sardinas ang nakikita ko na pinakamurang paraan sa ngayon, para makatikim at makakain ng isda ang maraming kababayan natin, na labis na nagdurusa sa epekto ng pandemiyang COVID-19. Sobrang mahal kaya ng isda sa mga palengke – ultimo tuyo at dilis -- na halos nakikipagpaligsahan na presyo ng baka, baboy at manok.
Idagdag pa ang halaga ng mga gulay at pangsahog na gaya ng kamatis, bawang, luya, sibuyas at sili, na pawang ginto na rin ang mga presyo sa mga talipapa!
Kaya sana naman – tutal nagtaas na ng presyo kada de-lata ang mga kumpaniyang gumagawa ng sardinas -- ‘wag na nilang bawasan ang laman nito.
Pabayaan na lang nila sanang magsipasok na muli sa lata ang mga “tangang isda” – upang makatulong sa mga kababayan natin, na ang kalimitang ginagamit na pantawid gutom para sa kanilang pamilya ay ang de-latang sardinas – BOW!.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.