NAKATAKDANG magdaos sa ikalawang sunod na taon at ikatlong pagkakataon sa kasaysayan ng PBA ng special Gilas draft sa susunod na taon kasabay ng 2021 PBA rookie draft.
Bahagi ito ng commitment ng PBA sa Gilas Pilipinas bilang paghahanda sa 2023 FIBA World Cup, ayon kay Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio.
“That was the agreement. I think every draft now, they will give the SBP a crack at certain players that we want to put in the pool,” pahayag ni Panlilio nang makapanayam sa programa sa telebisyon na Sports Page.
Sa nakalipas na taon, na draft sina Isaac Go, Rey Suerte, Allyn Bulanadi at ang kambal na sina Matt at Mike Nieto kung saan naging top pick si Go na napunta sa Terra Firma, pangalawa si Suerte na pinili ng Blackwater, sumunod si Matt na kinuha ng NLEX,pang-apat si Bulanadi na napili ng Alaska at sumunod si Mike na napunta sa Rain or Shine.
Nauna rito, noong 2016 sa unang special draft ay nakuha sina Mac Belo, Jio Jalalon, Matthew Wright, Russel Escoto, Von Pessumal, Fonzo Gotladera, Arnold Van Opstal, Ed Daquioag, Roger Pogoy, Mike Tolomia, Kevin Ferrer, Carl Cruz, at Von Pessumal.
Ang drafting ng Gilas cadets ay hiwalay na isinasagawa sa regular draft proper.
-Marivic Awitan