SA kababayan nating madaling marahuyo ng mga kaakit-akit na video advertisement sa social media, lalo na sa Facebook, dagdagan ang pag-iingat sa pagpili sa mga nakursunadahan ninyong bibilhin sa internet, upang ‘di mapabilang sa libu-libong nabiktima ng online scammers na sinasamantala ang kapaskuhan.
Mismong ang mga tanggapan ng pamahalaan na nangunguna sa kapakanan ng mga mamimili – gaya ng Department of Trade and Industry (DTI), Securities and Exchange Commission (SEC) at Philippine National Police (PNP) – ang magkakasabay na nagpalabas ng babala at paalala, upang ‘di maging biktima ng online scammers.
Natatawa na lamang ako sa sarili kapag nakatatanggap ako ng mga reklamo at nakaririnig ng kuwento hinggil sa pagiging biktima nila ng mga manloloko sa social media, dahil ako mismo – walang kadala-dala at palaging nahuhulog sa bitag ng mga swindler sa internet.
Mahilig kasi ako sa mga murang bilihin, lalo ng mga gadget – na siyang panghikayat sa mga social media advertisement - kaya madalas akong mabiktima. Ewan ko nga ba, at wala akong kadala-dala kahit mas madalas na palpak ang natatanggap kong goods.
Marahil, sa 10 pagbili ko ng gadget sa online tatlo lang ang nasiyahan ako sa pagiging sakto ng mga ito sa nakita ko sa mga advertisement. Kadalasan ay ibang-iba ang mga item sa video ads nito kapag natanggap mo na ang item.
Ang pinaka-classic sa nangyari sa akin ay nang maengganyo akong bumili online ng “foldable cellphone” na alam kong bago pa lamang sa merkado. Dinala kasi ako sa website ng video advertisement sa Facebook, at nakumbinsi ako – opo ganun ako kadaling napahanga – kaya nagbayad ako sa pamamagitan ng aking PayPal account.
Makaraan ang matagal na paghihintay ay nakipag-ugnayan ako sa seller sa pamamagitan ng email na agad namang sinagot. Nai-deliver na raw ito, at marahil ang kapitbahay ko ang nakatanggap! Sa sagot na ‘yun -- alam kong naramdaman kong nagkakalokohan.
Nalaman ko sa ibang nakaugnayan ko na nag-order din nito, na may natanggap nga silang item – pero sa halip na “foldable cellphone” ay “foldable cellphone case” lamang ito. Grabe – halagang P5,000 na cellphone case!
Malaganap ang panlolokong ganito dahil sa pandemiya. Karamihan kasi ay ‘di makalabas at iniaasa na lamang ang pamimili sa online transactions.
Maraming reklamong natanggap na ang PNP, DTI, NBI at SEC, yun lang – madalas ay pinababayaan na lamang ng mga complainant ang kaso kapag tumatagal na ito ng ilang buwan. Ayaw na nila kasing madagdagan pa ang pagkalugi nila, dulot ng abala sa pag-follow up sa kanilang reklamo. At dahilan naman ito, kaya walang napaparusahang online scammer.
Payo ng mga awtoridad – suriing mabuti, basahin ang advertisement, dahil kadalasan ay nakatago sa mga “fine prints” ang tunay na description ng item na gusto n’yo. Mas maige kung COD (cash on delivery) ang papasuking transaksyon. Suriin muna ang item kung ito nga yung nasa advertisement bago bayaran.
Kapag sa website naman bibili – kadalasan ay bayad muna ito gamit ang credit card, debit card, at iba pang wire transfer – siguruhing may legit na contact number, email address at business address ito bago makipag-transaction. Hanggat maaari ay hanapin na lang muna sa mga malalaking online seller ang nagustuhang item, at kung meron, dito na lang bumili, para mas safe.
Masarap naman talagang mamili online – walang hassle ng trapik, at makatitipid pa sa gasolina o pamasahe, lalo na kung ilang piraso lang naman ang bibilhin sa mga mall.
Ang pinakaimportante, nasa bahay ka lang, safe at walang hawa sa COVID-19 -- na wala pang bakuna sa atin!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.