“Hindi namin kayo nire-red-tagging, itinuturo namin kayo na kasapi ng malaking sabwatan ng legal fronts na nabuo sa pamumuno ng NDF (National Democratic Front), New People’s Army, Communist Party of the Philippines. Tama ang Armed Forces of the Philippines. Itinuturo na miyembro kayo ng mga komunista kaya alam namin. Iyan ang totoo,” wika ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes sa kanyang lingguhang pulong hinggil sa update ng quarantine restrictions. Ito ay bilang reaksyon na rin niya sa kahalayan sa social media sanhi ng pagpapakuha ng larawan ng mga sundalo kasama ang bangkay ni Jevilyn Culiamat, ang rebeldeng napatay sa encounter at anak ni Bayan PartyList Rep. Eufemia Culiamat. Pinagbuntunan ng galit ng Pangulo si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at ang sabi niya: “Kapag nakikita kita sa telebisyon, parang nakikita ko ang tae ng aso.” Nauna rito ay minaliit niya si Joma Sison, ang nagtatag ng CPP-NPA na nakikipagdigma sa gobyerno na may kalahating siglo na. Sino ba, aniya ito, iharap siya sa kanya kung totoo na magaling ito.
Napakataas ang tingin ng Pangulo sa kanyang sarili. Hindi pa niya maintindihan ang mensahe ng mga naganap na pangyayari sa bansa na walang kinalaman ang tao. Sa kanyang panahon, magkakasunod na lindol ang nangyari sa lugar ng kanyang pinagmulan. Malakas at mapaminsalana ang huling naganap na halos abutin nito ang kanyang kinalalagyan sa Davao. Ang mga ito nga ang nagturo sa kanya na tumigil na sa kadedeklara ng martial law sa Mindanao gayong ang gulong nais niyang makontrol ay tanging nasa Marawi lang. Mga bulkan ay nagsisabugan. Nagpaulan ng mga bato at alikabok na puminsala ng mga ari-arian. Pwersahang nagsilikas ang taumbayan malapit sa mga bulkan. Mga ilang linggo rin silang hindi nakakilos para makapaghanap-buhay. Napeste ang mga baboy ng African swine fever. Upang maiwasan ang pagkalat ng salot, napakaraming baboy ang pinatay. Sa iba’t ibang bahagi ng lawa sa bansa ay nagkaroon ng fish kill. Napakaraming isda ang namatay dahil sa napakainit ng klima. Pero, nang sumobra ang lamig, sinira naman ang mga gulay at iba’t ibang pananim na pinagkakakitaan ng mga magsasaka. Magkakasunod na malakas na bagyo ang dumaan sa bansa. Pero, isa rito, ang bagyong Rolly, ang pinakamalakas na nabuo sa buong daigdig na lubusang naminsala kasama ng bagyong sumunod sa kanyang dinaanan. Lumindol pa. Nangyari ang mga ito habang ang mamamayan ay pinagiingat sa panganib ng pandemya. Marami na ang namatay at nagkasakit dahil sa COVID-19. Isa sa paraan upang mapigil ang pagkalat nito ay ang lockdown na pinairal sa bansa nang napakahaba kumpara sa mga ginawa sa buong daigdig. Bumagsak ang ekonomiya at marami ang nawalan ng trabaho at nagutom. Ang mga dukha ay lalong naghirap at nagutom.
May maliwanag na mensahe ang mga pangyayaring ito na walang kontrol ang tao, maliban sa lockdown na pinairal. Tayo ay maging mapagkumbaba at mapagmalasakit sa kapwa. May Panginoong Diyos na ipinakikita at ipinadadama ang kanyang kapangyarihan sa tao at lahat ng kanyang nilalang. Pero, iba si Pangulong Duterte, sa kalasingan sa kapangyarihan ay hindi na marunong magpakumbaba, eh matabil pa ang dila. Pero, ang mamamayan ang pumapasan ng kahirapan.
-Ric Valmonte